Isang kontrobersyal na proyekto ang kinakaharap ngayon ng lokal na pamahalaan ng Pasig matapos kuwestyunin ang halos ₱10 bilyong halaga ng bagong city hall complex. Ayon sa ilang negosyante at residente, mas nararapat daw gamitin ang pondo para sa mas agarang pangangailangan ng mga Pasigueño—gaya ng ospital, gamot, at suporta sa edukasyon.
Sa isang liham na ipinadala kay Mayor Vico Sotto noong Hulyo 23, 2024, hinamon ng kilalang negosyante at charity benefactor na si Curlee Discaya ang alkalde na pag-isipang muli ang proyekto. Giit ni Discaya, sapat na ang ₱3.2 bilyon para sa isang moderno at matibay na city hall. Ang natitirang ₱6.4 bilyon ay mas makatutulong kung ilalaan sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan.
“Ang kailangan ng tao ay ospital, gamot, at edukasyon—hindi mamahaling gusali,” saad ni Discaya, na isa ring contractor ng malalaking imprastruktura.
Ayon pa sa kanya, ang ₱209,197 kada metro kuwadrado na sinisingil para sa 46,000 sqm na gusali ay labis at malayo sa karaniwang halaga ng konstruksyon na ₱70,000 kada metro kuwadrado, kahit pa de-kalidad ang materyales.
Mas lalo pang ikinagulat ng ilan ang ₱855 milyon na design fee pa lamang. Giit ni Discaya, sapat na raw ito para makapagtayo ng isa pang pampublikong ospital na may sapat na gamot para sa mga mahihirap.
Kapalit ng suporta, nag-alok si Discaya na ibigay ng libre ang disenyo ng proyekto, basta’t ibababa ang kabuuang pondo at ituon ito sa mas kapaki-pakinabang na programa para sa mga tao.
Sa kabilang banda, nanindigan si Mayor Vico Sotto na ang proyekto ay bahagi ng 10-year development plan ng lungsod. Ani niya, hindi ligtas ire-retrofit ang lumang city hall, at ang bagong pasilidad ay magiging “future-proof” at kayang tumagal nang daan-daang taon.
Nilinaw rin ni Sotto na hindi pa pinal ang ₱9.6B na halaga dahil maaari pa itong bumaba kapag dumaan sa bidding.
BOTTOMLINE: Bagong city hall ba ang kailangan ng Pasig? O mas makabubuting gastusin ang bilyong pondo sa serbisyong direktang makikinabang ang mamamayan? Ang tanong ay malinaw—pero ang sagot, nasa kamay ng pamahalaan.
Pinarangalan ng Department of Health–Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang Lungsod ng Makati sa ilalim ng Environmental and Occupational Health Cluster (EOHC) matapos makamit ang 100% na kalidad sa regular na pagsusuri ng tubig para sa buwan ng Agosto. Ipinapakita nito ang patuloy na pagsisikap ng lungsod na mapanatiling ligtas at malinis ang suplay ng tubig para sa mga residente.
Ang pagkilalang ito ay bunga ng pagtutulungan ng Environmental Health and Sanitation Division ng Makati Health Department, na mahigpit na nagbabantay upang masigurong pumapasa sa pambansang pamantayan ang kalidad ng tubig. Muling ipinakita ng Makati ang mataas na antas ng malasakit nito sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ng kanilang mas malawak na programa sa pampublikong kalusugan ang pagbibigay ng ligtas at malinis na tubig para sa lahat. Nangako rin silang ipagpapatuloy ang mga hakbang sa masusing pagmamanman, pagpapatupad ng mga napapanatiling programa, at pagpapaigting ng mga inisyatiba para sa kalinisan at kapaligiran.
Nagsimula na ang ikatlong tunnel boring machine (TBM) ng Department of Transportation (DOTr) sa paghuhukay para sa Metro Manila Subway Project (MMSP) sa Camp Aguinaldo, Quezon City. Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ito ay bahagi ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang mga proyektong pangmasang transportasyon upang mapagaan ang biyahe ng mga commuter.
Sa ngayon, nakakabutas ang TBM ng siyam na metro kada araw at inaasahang aabot sa Anonas Station sa loob ng anim na buwan, habang isang karagdagang TBM ang ilulunsad sa susunod na dalawang buwan. Sinabi ni Lopez na mas maraming makina ang nangangahulugang mas mabilis na matatapos ang proyekto, at tiniyak niyang tuloy-tuloy ang trabaho ng DOTr sa MMSP.
Kasama ang bagong TBM sa Contract Package 103 ng proyekto, kung saan dalawang makina na ang nakapag-ukit ng 1,000 metro mula Camp Aguinaldo hanggang Ortigas Station. Mayroon nang walong TBM sa kabuuan ng linya ng subway, na inaasahang matatapos sa 2032 at magdudugtong mula Valenzuela City hanggang Bicutan, Taguig, may karugtong patungong NAIA Terminal 3. Kapag natapos, mababawasan sa 45 minuto ang biyahe mula Valenzuela hanggang Pasay mula sa dating halos isang oras at kalahati.
Umabot sa 39,806 bahay at limang simbahang pamanang kultura ang nasira nang tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu noong nakaraang linggo, ayon sa NDRRMC. Pinakamaraming pinsala ang naitala sa Daanbantayan, Medellin, San Remigio, Borbon, at Bogo City, habang naapektuhan din ang Bohol. Ayon sa DOT, nasira rin ang ilang pasyalan at simbahan, kabilang ang Sta. Rosa de Lima Shrine, Saints Peter and Paul Parish, San Isidro Labrador Church, San Juan Nepomuceno Parish, at San Vicente Ferrer Shrine. Kasalukuyang isinasailalim ang mga ito sa inspeksyon bago isumite sa NCCA para sa pagkukumpuni. Naiulat na 72 katao ang nasawi, 559 ang nasugatan, at 611,624 residente ang apektado.
Mahigit ₱138.6 milyon halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga apektadong lugar sa Central Visayas. Bukod dito, limang cultural sites — Kabilin Center, Museo Sugbo, National Museum of the Philippines-Cebu, Yap-San Diego Ancestral House, at Casa Gorordo — ang nananatiling sarado habang isinasagawa ang safety inspection. Tinatayang 1,200 tourism workers ang pansamantalang nawalan ng trabaho dahil sa pinsala. Samantala, nanawagan si Fr. Edmar Marcellones ng Saints Peter and Paul Parish sa publiko na huwag kunin ang mga debris ng simbahan bilang souvenir o anting-anting, dahil itinuturing itong pagnanakaw at bahagi ng sagradong pamana ng simbahan.
Samantala, ayon sa DOLE-Central Visayas, magpapatuloy ang safety inspections sa mga kompanya sa Cebu, kabilang ang mga BPO establishments. Sinabi ni Director Roy Buenafe na anim na BPO companies ang iimbestigahan matapos ireklamo ng mga empleyado na pinabalik sa trabaho o hindi pinayagang lumikas sa gitna ng lindol. Dalawa sa mga kompanya ang pinatawan ng work stoppage order, at natuklasang ang isa ay walang disaster preparedness plan.