PULSE PH

Ibang Klase! ₱9.6Billion na Bagong Pasig City Hall, Pinagdududahan at Kinuwestiyon!

Isang kontrobersyal na proyekto ang kinakaharap ngayon ng lokal na pamahalaan ng Pasig matapos kuwestyunin ang halos ₱10 bilyong halaga ng bagong city hall complex. Ayon sa ilang negosyante at residente, mas nararapat daw gamitin ang pondo para sa mas agarang pangangailangan ng mga Pasigueño—gaya ng ospital, gamot, at suporta sa edukasyon.

Sa isang liham na ipinadala kay Mayor Vico Sotto noong Hulyo 23, 2024, hinamon ng kilalang negosyante at charity benefactor na si Curlee Discaya ang alkalde na pag-isipang muli ang proyekto. Giit ni Discaya, sapat na ang ₱3.2 bilyon para sa isang moderno at matibay na city hall. Ang natitirang ₱6.4 bilyon ay mas makatutulong kung ilalaan sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan.

“Ang kailangan ng tao ay ospital, gamot, at edukasyon—hindi mamahaling gusali,” saad ni Discaya, na isa ring contractor ng malalaking imprastruktura.

Ayon pa sa kanya, ang ₱209,197 kada metro kuwadrado na sinisingil para sa 46,000 sqm na gusali ay labis at malayo sa karaniwang halaga ng konstruksyon na ₱70,000 kada metro kuwadrado, kahit pa de-kalidad ang materyales.

Mas lalo pang ikinagulat ng ilan ang ₱855 milyon na design fee pa lamang. Giit ni Discaya, sapat na raw ito para makapagtayo ng isa pang pampublikong ospital na may sapat na gamot para sa mga mahihirap.

Kapalit ng suporta, nag-alok si Discaya na ibigay ng libre ang disenyo ng proyekto, basta’t ibababa ang kabuuang pondo at ituon ito sa mas kapaki-pakinabang na programa para sa mga tao.

Sa kabilang banda, nanindigan si Mayor Vico Sotto na ang proyekto ay bahagi ng 10-year development plan ng lungsod. Ani niya, hindi ligtas ire-retrofit ang lumang city hall, at ang bagong pasilidad ay magiging “future-proof” at kayang tumagal nang daan-daang taon.

Nilinaw rin ni Sotto na hindi pa pinal ang ₱9.6B na halaga dahil maaari pa itong bumaba kapag dumaan sa bidding.


BOTTOMLINE:
Bagong city hall ba ang kailangan ng Pasig? O mas makabubuting gastusin ang bilyong pondo sa serbisyong direktang makikinabang ang mamamayan? Ang tanong ay malinaw—pero ang sagot, nasa kamay ng pamahalaan.

Exit mobile version