Connect with us

News

9 Kumpanya ni Sarah Discaya, Kinansela ang Lisensya!

Published

on

Tuluyan nang binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na construction firms na pagmamay-ari o kontrolado nina Sarah at Curlee Discaya. Lumabas ito matapos umamin si Sarah sa Senado na ang kanilang mga kumpanya ay sabay-sabay na lumalahok sa bidding ng iisang proyekto—isang paglabag sa batas na sumisira sa patas na kompetisyon.

Kabilang sa mga kinanselang kumpanya ang St. Gerrard Construction, Alpha & Omega, St. Timothy, Amethyst Horizon, St. Matthew, Great Pacific, YPR, Way Maker OPC, at Elite General Contractor. Ang ilan dito ay kabilang sa 15 contractor na nakakuha ng malalaking flood-control projects mula 2022 hanggang 2025, ayon kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon sa PCAB, ang pagkakaamin ni Discaya ay malinaw na patunay ng “joint bidding scheme” para makorner ang mga proyekto ng gobyerno. Bukod sa kanselasyon ng lisensya, ire-refer din ang kaso sa DOJ at NBI para sa posibleng pananagutang kriminal.

Samantala, Bureau of Customs (BOC) ay nagsabing walo sa 12 luxury cars na narekober sa compound ng Discayas sa Pasig ay may kulang na papeles. Nakatakda ring imbestigahan ng BIR kung tumutugma ang halaga ng mga sasakyan sa idineklarang kita ng mag-asawa.

Depensa ng kampo ni Discaya, handa silang makipagtulungan at wala silang intensyong tumakas sa bansa.

Kasabay nito, isinailalim ni DTI Secretary Cristina Roque sa kanyang direktang superbisyon ang PCAB at Construction Industry Authority of the Philippines upang masiguro ang transparency at maputol ang umano’y pagbebenta ng lisensya.

Sa Kongreso, nanawagan si Deputy Speaker Jefferson Khonghun ng lifestyle check laban kay PCAB executive director Herbert Matienzo, na umano’y sangkot sa iligal na pagbebenta ng contractor registration.

News

Bagyong Basyang paparating, posibleng tumama sa Caraga!

Published

on

Naging tropical depression na ang low pressure area sa silangan ng hilagang-silangang Mindanao nitong Pebrero 3, at inaasahang lalakas bilang Tropical Storm Basyang bago magtapos ang linggo, ayon sa PAGASA.

Bandang 4:00 p.m., namataan ang sistema 1,075 kilometro silangan ng Mindanao, may lakas ng hangin na 55 kph at mabagal na kumikilos pahilagang-kanluran. Hindi pa ito sakop ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ngunit papangalanang Basyang pagpasok nito mamayang gabi o madaling-araw.

Ayon sa PAGASA, mananatiling tropical depression hanggang Miyerkules, at posibleng maging tropical storm sa Huwebes, kung kailan inaasahan din ang landfall sa Caraga. Tatawid ito sa Visayas at Palawan mula Biyernes hanggang Linggo. Posibleng itaas ang Wind Signal No. 2 sa mga apektadong lugar.

Bukod dito, inaasahan ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa bagyo at amihan, na maaaring magdulot ng pagbaha, lalo na sa mga kabundukan at lugar na nakaranas na ng matinding ulan.

Ang Basyang ang ikalawang bagyo na inaasahang tatama sa Pilipinas ngayong taon.

Continue Reading

News

Sandro Marcos itinutulak ang “no work, no pay” para sa mga mambabatas!

Published

on

Naghain si House Majority Leader Sandro Marcos ng House Bill 7432 na naglalayong ipatupad ang “no work, no pay” policy para sa mga miyembro ng Kongreso, upang matiyak na ang sahod ng mga halal na opisyal ay kapalit ng aktuwal na trabaho.

Sa panukala, matatanggap lamang ng mga mambabatas ang kanilang sahod—na umaabot sa ₱290,000 hanggang ₱330,000 kada buwan—kung sila ay dumaralo at aktibong nakikilahok sa plenary sessions, committee hearings, at iba pang opisyal na gawain. Ang mga hindi papasok nang walang valid na dahilan ay babawasan ng sahod.

Papayagan lamang ang absences kung may medical certification, opisyal na misyon, awtorisadong biyahe, o aprubadong leave. Ituturing ding present ang mga dumadalo sa Commission on AppointmentsElectoral Tribunal, at bicameral conference committees.

Babantayan ng sekretaryat ng bawat kapulungan ang attendance, at gagawing publicly accessible ang mga rekord para sa transparency. May parusa rin sa sinumang mahuhuling nagsisinungaling sa attendance o tumatanggap ng sahod nang hindi gumaganap ng tungkulin.

Inihain ang panukala kasunod ng mga isyu sa matagal na pagliban ng ilang mambabatas, partikular ang kaso ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na ilang buwang hindi dumadalo sa mga sesyon—na muling nagbukas ng usapin sa pananagutan at sahod ng mga halal na opisyal.

Continue Reading

News

Milyun-milyong Afghan, balik-bansa sa gitna ng kahirapan

Published

on

Nahaharap sa matitinding hamon ang milyun-milyong Afghan na sapilitang ibinalik sa kanilang bansa matapos higpitan ng Pakistan at Iran ang deportasyon. Ayon sa International Organization for Migration (IOM), mahigit limang milyong Afghan na ang umuwi mula Setyembre 2023—katumbas ng 10% ng populasyon ng Afghanistan.

Marami sa mga bumalik ay dekada nang naninirahan sa ibang bansa at ngayon ay kailangang magsimulang muli sa isang bansang lugmok sa kahirapan, kakulangan sa trabaho, at krisis sa kapaligiran.

Batay sa mga survey, 80% ng mga returnee ay walang permanenteng tirahan at napipilitang manirahan sa pansamantalang bahay na gawa sa putik o bato. Tatlo sa apat ang hindi kayang magbayad ng upa, at siksikan ang maraming pamilya sa iisang silid.

Sa hanapbuhay, 11% lang ng mga bumalik ang may regular na trabaho, habang ang buwanang kita ay umaabot lamang sa $22 hanggang $147. Problema rin ang kakulangan sa tubig at kuryente, lalo na sa mga pamilyang pinamumunuan ng kababaihan.

Bilang tugon, sinabi ng pamahalaan ng Afghanistan na mahigit 3,000 lupain na ang naipamahagi sa mga returnee, kasabay ng tulong tulad ng pamasahe, SIM card, at kaunting ayuda—ngunit para sa marami, malayo pa ito sa sapat para makabangon.

Continue Reading

Trending

Copyright © 2024 | Pulse Ph