Site icon PULSE PH

9 Kumpanya ni Sarah Discaya, Kinansela ang Lisensya!

Tuluyan nang binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na construction firms na pagmamay-ari o kontrolado nina Sarah at Curlee Discaya. Lumabas ito matapos umamin si Sarah sa Senado na ang kanilang mga kumpanya ay sabay-sabay na lumalahok sa bidding ng iisang proyekto—isang paglabag sa batas na sumisira sa patas na kompetisyon.

Kabilang sa mga kinanselang kumpanya ang St. Gerrard Construction, Alpha & Omega, St. Timothy, Amethyst Horizon, St. Matthew, Great Pacific, YPR, Way Maker OPC, at Elite General Contractor. Ang ilan dito ay kabilang sa 15 contractor na nakakuha ng malalaking flood-control projects mula 2022 hanggang 2025, ayon kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon sa PCAB, ang pagkakaamin ni Discaya ay malinaw na patunay ng “joint bidding scheme” para makorner ang mga proyekto ng gobyerno. Bukod sa kanselasyon ng lisensya, ire-refer din ang kaso sa DOJ at NBI para sa posibleng pananagutang kriminal.

Samantala, Bureau of Customs (BOC) ay nagsabing walo sa 12 luxury cars na narekober sa compound ng Discayas sa Pasig ay may kulang na papeles. Nakatakda ring imbestigahan ng BIR kung tumutugma ang halaga ng mga sasakyan sa idineklarang kita ng mag-asawa.

Depensa ng kampo ni Discaya, handa silang makipagtulungan at wala silang intensyong tumakas sa bansa.

Kasabay nito, isinailalim ni DTI Secretary Cristina Roque sa kanyang direktang superbisyon ang PCAB at Construction Industry Authority of the Philippines upang masiguro ang transparency at maputol ang umano’y pagbebenta ng lisensya.

Sa Kongreso, nanawagan si Deputy Speaker Jefferson Khonghun ng lifestyle check laban kay PCAB executive director Herbert Matienzo, na umano’y sangkot sa iligal na pagbebenta ng contractor registration.

Exit mobile version