Sa kabila ng epekto ng bagyong Carina, monsoon rains, at pagbaha, tuloy ang pasukan sa karamihan ng mga eskwela sa bansa ngayong araw, maliban na lamang sa ilang lugar na apektado, kabilang na ang Metro Manila, na humihiling ng isang linggong pagpapaliban.
Ipinag-utos ni Education Secretary Sonny Angara ang case-by-case approach alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos na ituloy ang pagbubukas ng klase, maliban sa mga lugar na hindi ito praktikal.
Sa mga lugar na lubos na apektado, may kapangyarihan ang mga lokal na opisyal at school officials na ipagpaliban ang klase, ayon sa Department of Education (DepEd).
Ang mga guro sa pampublikong paaralan ay humihiling sa mga alkalde ng Metro Manila at mga kalapit na probinsya na i-reschedule ang pagbubukas ng klase upang bigyan ang kanilang mga residente, mag-aaral, at guro ng mas maraming oras upang maghanda para sa school year matapos ang malawakang pagbaha na tumama sa kanilang mga lugar noong nakaraang linggo.
Ang Teachers Dignity Coalition (TDC) ay nanawagan na isaalang-alang ang “physical, psychological, at financial preparedness” ng mga magulang, estudyante, at guro matapos ang pananalasa ng bagyong Carina.
“It is not only the readiness of the school that needs to be considered, but also the physical, psychological and financial readiness of the parents, children and even the teachers… Many of our citizens were affected, and some of them lost their homes or damaged equipment. Others even lost their loved ones,” ani Benjo Basas, chairman ng TDC.
Ayon sa pinakahuling datos ng DepEd, 979 na eskwela sa limang rehiyon ang hindi magbubukas ng klase ngayong araw dahil kailangan pang linisin at isaayos ang mga paaralang naapektuhan ng Carina.
Sa bilang na ito, 452 ay nasa Central Luzon, 231 sa Ilocos region, 225 sa Metro Manila, 67 sa Calabarzon, at apat sa Central Visayas.
Ang isang linggong delay ay magbibigay ng mas maraming oras para sa mga pamilya na harapin ang kanilang mga problema at magbibigay din ng pagkakataon sa DepEd na mas maihanda ang mga paaralan.
Iniulat din ng education department na 19,268,747 na mag-aaral sa pampublikong paaralan ang nakapag-enroll na para sa school year 2024-2025.
Sa breakdown, 16,794,173 na estudyante ang naka-enroll sa public schools habang 2,244,867 na estudyante ang nasa private schools.