Bumaba ang trust at performance ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte batay sa pinakahuling OCTA Research survey na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4.
Ayon sa resulta, 57% ng mga Pilipino ang may tiwala kay Marcos Jr., mas mababa kumpara sa 64% noong Hulyo. Tumaas naman ang bilang ng mga walang tiwala sa kanya mula 20% tungo sa 25%, habang 17% ang nanatiling undecided.
Sa performance rating, bumaba rin ang satisfaction rating ng Pangulo mula 62% noong Hulyo tungo sa 54% nitong Oktubre. Ang dissatisfaction ay tumaas mula 19% hanggang 26%.
Samantala, kay Vice President Sara Duterte, bumaba ang trust rating mula 54% tungo sa 51%, habang ang performance rating niya ay bahagyang bumaba mula 50% patungong 49%, na mas mababa sa majority level. Tumaas din ang dissatisfaction rating niya mula 23% hanggang 26%.
Sa kabila ng pagbaba, sinabi ng OCTA na nanatiling mayorya pa rin ang nagtitiwala kay Marcos Jr., habang si Duterte naman ay patuloy na may mataas na trust rating kahit bahagyang bumaba ang overall performance.
Ang survey ay may 1,200 respondents at may ±3% margin of error.
