Tinanggihan ng Sandiganbayan ang bail ng mga co-accused ni dating mambabatas na si Zaldy Co sa kasong malversation kaugnay ng Mag-Asawang Tubig River project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa anti-graft court, sapat na ang ebidensya laban sa mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang hindi sila payagang makalaya pansamantala. Kasama sa mga hindi pinayagang makabail ay sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos Jr., Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, Lerma Cayco, at Felisardo Casuno.
Ayon sa kaso, nakipagsabwatan ang mga akusado upang maipalabas ang P215 milyon sa kompanyang Sunwest, Inc., na pag-aari ni Co, kahit substandard ang proyekto at kulang sa dokumentasyon. “Ipinapakita ng ebidensya na sina Serrano, Cayco, Pacanan, Altea, at Santos ang kani-kanilang certifications at approvals sa mga disbursement vouchers, kaya nailabas ang P215 milyon sa Sunwest,” ayon sa resolusyon.
Noong Marso 4, ini-attach ng korte ang ari-arian ni Co upang masiguro ang P215 milyong civil liabilities. Tatlong buwan bago inihain ang kaso, umalis si Co ng bansa, at noong Disyembre 2025 ay idineklara rin siyang fugitive matapos makansela ang kanyang pasaporte.
