Bilang tugon sa mga kalamidad na kamakailan lang tumama sa bansa, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ang “ALERT QC”, isang programa para palakasin ang kaligtasan at kahandaan sa mga lugar ng trabaho.
Ang ALERT QC o Awareness, Lifesaving, Emergency Response Training ay layuning sanayin ang libo-libong safety officers at staff responders mula sa iba’t ibang negosyo at tanggapan sa lungsod sa larangan ng first aid, fire safety, at emergency response.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, nais ng lungsod na maging modelo ng kahandaan at katatagan habang patuloy na itinataguyod ang Quezon City bilang sentro ng negosyo at progreso.
“Sa pamamagitan ng ALERT QC, nakikipagtulungan kami sa mga negosyo upang makalikha ng ligtas, inklusibo, at handang mga workplace — mga lugar kung saan sabay na umuunlad ang tao at ekonomiya,” ani Belmonte.
Pinangunahan ng Business Permits and Licensing Department at Disaster Risk Reduction and Management Office ang proyekto, na magsasagawa ng 13 training sessions mula Nobyembre hanggang Disyembre.
Bilang dagdag na suporta, bibigyan din ng lungsod ang mga kalahok na kumpanya ng access sa BE RICHER, isang self-assessment tool na sumusukat sa kanilang pagiging Resilient, Inclusive, Climate-conscious, Healthy, Emergency-ready, at Responsive.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na tiyaking hindi lang produktibo, kundi handa rin sa anumang sakuna at pagbabago ang mga lugar ng trabaho sa Quezon City.
