Hindi biro ang umakyat sa Mt. Everest, ang pinakamataas na bundok sa mundo na may taas na 8,850 metro—tatlong beses ang taas ng Mt. Apo. Pero nitong nakaraang buwan, tatlong Pinoy na naman ang nakaakyat sa tuktok nito: Jeno Panganiban, Ric Rabe, at Miguel Mapalad. Sila na ngayon ang pinakabagong miyembro ng eksklusibong listahan ng 11 Pilipinong nakasampa sa summit ng Everest.
Para kay Jeno, ito ang “pinakamatinding karanasan” sa buong buhay niya.
Mula Curiosity Hanggang Everest
Nagsimula lang sa simpleng hilig sa pag-akyat ang lahat para kay Jeno noong college pa siya sa La Salle. Mula Mt. Talamitam sa Batangas, naging tuloy-tuloy ang pag-akyat niya hanggang sa halos lahat ng bakasyon at sick leave niya ay nauubos sa pag-climb.
“Nahihiya na ako sa boss ko. Pero yun na talaga ‘yung passion ko,” ani Jeno.
Nais niya sanang gawin ang Himalayas bilang “graduation climb” — pero nang makita niya ito, bigla na lang niyang naisip: “Tawag ng bundok ‘to.”
Paghahanda at Pag-akyat
Bago sumubok sa Everest, nagsanay muna siya sa Nepal at inakyat ang mga kalapit na bundok. Noong 2024, naakyat niya ang Mt. Manaslu (8,163m), kung saan niya unang naranasan ang paggamit ng oxygen tank at ang tinatawag na “dead zone.”
Noong May 17, 2025, sinubukan na niyang abutin ang Everest summit — mag-isa, dahil nawalan ng malay ang kanyang Sherpa guide.
“Lakad lang ako nang lakad. Isang hakbang, isang inhale at exhale lang ang focus ko.”
At habang paakyat siya, nasilayan niya ang pinakamagandang pagsikat ng araw sa kanyang buhay — habang mas mataas pa siya sa mga ulap at bundok, at nakita pa ang curvature ng Earth.
“Sa sandaling ‘yon, ako na ‘yung nasa pinakamataas. Above all things, above all people.”
Iwinagayway niya ang bandila ng Pilipinas sa tuktok, pero hindi doon natapos ang laban. Pababa, naranasan naman niya ang snow blindness — puro puti lang ang nakikita niya, at tanging kulay orange ng lubid ang kanyang gabay.
Payong Pang-Everest
Ang payo niya sa mga gustong sundan ang kanyang yapak:
“Magbaon ng mahabang-mahabang pasensya. Hindi lang lakas ang kailangan. Dapat handa ka — pisikal, emosyonal, at pinansyal.”
Hindi raw niya mararating ang tagumpay na ito kung wala ang buong suporta ng kanyang pamilya, na kahit natatakot, mas pinili siyang palakasin.
“Sobrang loved ako, sobrang swerte ko.”
Sa tuktok ng mundo, si Jeno ay hindi lang mountaineer — kundi isang inspirasyon sa bawat Pilipino na nangangarap ng imposible.
Handa si AJ Lim para sa Southeast Asian Games sa Disyembre matapos niyang muling maghari sa men’s singles ng PCA Open sa Paco, Maynila nitong weekend. Tinalo niya si Jed Olivarez sa straight sets, 6-2, 6-1, 6-4.
Ito na ang ikaapat na beses na nasungkit ni Lim ang kampeonato sa torneo, at nag-uwi rin siya ng ₱200,000 bilang pangunahing premyo.
Ipinagmamalaki ni Jean Henri Lhuillier ng Cebuana Lhuillier ang tagumpay ni Lim, na aniya’y patunay ng disiplina, dedikasyon, at pusong Pilipino na bumubuhay sa diwa ng Philippine tennis.
Host school na Centro Escolar University (CEU) ang nakatakdang maghatid ng isang di-malilimutang pagbubukas ng PG Flex-Universities and Colleges Athletic League (UCAL) Season 8. Ipapamalas ng defending champions ang kanilang husay habang hinahangad nilang depensahan ang korona sa street dance ngayong araw sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Pagkatapos ng maikling opening ceremony sa ganap na ika-11 ng umaga, mapupunta ang spotlight sa siyam na kalahok na paaralan. Bawat koponan ay inaasahang magpapakita ng sigla, malikhaing galaw, at kakaibang estilo sa isa sa pinakaaabangang tampok ng pagbubukas ng UCAL.
Ngunit nakatuon ang lahat ng atensyon sa CEU Scorpions na determinado sa panibagong kampeonato. Ipinapakita ng kanilang matinding paghahanda ang hangarin nilang magtagumpay din sa iba pang sports, kabilang ang basketball, matapos silang mabigo sa three-peat bid noong nakaraang season.
Naabot ni Alex Eala ang bagong career-high world ranking na No. 54 at kasalukuyang nagpapahinga sa Wuhan, China bago muling sumabak sa Japan sa susunod na linggo. Layunin ng Filipina tennis star na makuha ang kaniyang ikalawang professional title at makapasok sa WTA Top 50 matapos tumaas ng apat na puwesto mula No. 58.
Bagaman natalo siya sa unang round ng qualifiers ng WTA1000 Wuhan Open kay Moyuka Uchijima ng Japan, patuloy na nagpapakita ng konsistensiya si Eala sa kaniyang mga laban.
Muling maglalaro si Eala sa WTA250 Japan Open sa Osaka simula Lunes, kasama sina Leylah Fernandez at Naomi Osaka. Susunod niyang mga torneo ang Guangzhou Open (Oktubre 20–26) at Hong Kong Open (Oktubre 27–Nobyembre 2) bilang bahagi ng kaniyang Asian swing.