Isang korte sa Manila ang nagpasya na void o walang bisa ang pagka-alkalde ni Alice Guo sa bayan ng Bamban, Tarlac matapos matukoy na siya ay “walang dudang Chinese citizen.” Sa 67-pahinang desisyon noong Hunyo 27, sinabi ng Manila RTC Branch 34 na si Guo ay isang “usurper” o ilegal na humawak ng posisyon dahil hindi siya kwalipikadong tumakbo bilang alkalde dahil hindi siya natural-born Filipino — isang requirement ng Saligang Batas.
Ayon sa korte, hindi mahalaga na siya ay nahalal noong 2022 dahil ang kawalan niya ng Filipino citizenship ay umiiral na noong nagsumite siya ng certificate of candidacy. Kaya’t “void” ang kanyang proclamasyon at siya ay “ousted” o pinalayas sa posisyon.
Ang desisyon ay bunga ng quo warranto petition mula sa Office of the Solicitor General (OSG), na may eksklusibong kapangyarihan na tanggalin sa pwesto ang sinumang opisyal na hindi kwalipikado.
Nalaman ng korte na si Alice Guo ay tunay na si Guo Hua Ping, isang Chinese national na ipinanganak sa mga Chinese na magulang. Wala ring ebidensyang makapagsasabi na si Guo ay anak nina Angelito Guo at Amelia Leal, ang mga taong itinuturing niyang mga magulang sa kanyang birth certificate. Pinatunayan pa ng fingerprint analysis mula sa NBI na tugma ang mga fingerprint ni Alice Guo sa Chinese citizen na si Guo Hua Ping na dumating sa Pilipinas noong 1999 bilang dependent ng mga magulang na may investor’s visa.
Sa Senado, sinabi ni Guo na ang kanyang ina ay isang full-blooded Filipino na si Amelia Leal, na hindi niya nakilala, at na siya raw ay isang lovechild ng kanyang ama at ng kaniyang ina na dati’y kasambahay.
Binigyang-diin ng korte na walang ebidensyang sapat para patunayan na si Guo ay Filipino, kaya malinaw na siya ay pumalit sa pagkakakilanlan ni Alice Leal Guo upang mapaniwala na siya ay Filipino at makatakbo sa pampublikong posisyon.
Inilalarawan ng korte na delikado ito sa pambansang seguridad dahil ang isang banyagang indibidwal ay nakalusot sa batas at humawak ng puwesto sa gobyerno.
Pinuri ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon ng korte, sinabing “pinagtibay nito ang mga matagal nang agam-agam tungkol sa kwalipikasyon ni Guo.” Hinimok niya ang gobyerno na patuloy na habulin ang kaso laban kay Guo at ang mga taong tumulong sa kanya.
Nanawagan si Gatchalian na hindi dapat payagan ang mga banyaga na gamitin ang gobyerno para sa kanilang sariling interes, at dapat ipagbawal kay Guo ang pagmamay-ari ng lupa sa Pilipinas.
Ang kaso ay isang paalala sa mahigpit na pagpapatupad ng batas lalo na sa mga posisyon sa gobyerno at ang pangangalaga sa pambansang seguridad.