Walang pagdadalawang-isip si Asia’s Diamond Soul Siren Nina nang ialok sa kanya ang pagiging bagong “Juke Boss” ng TV5’s Sing Galing. Bukod sa pagiging malaking honor ito para sa kanya, masaya rin siyang mapabilang sa show na minsang naging tahanan ng kanyang dating manager na si Randy Santiago.
Super excited si Nina nang malaman niyang magiging bahagi siya ng panel ng Sing Galing, kung saan makakasama niya ang soul icon na si Ella May Saison bilang isa sa mga hurado.
“Bilang singer, nakakatuwa kapag pinili kang maging judge sa isang singing contest dahil pwede mong i-share ang expertise at kaalaman mo sa pagkanta,” ani Nina sa isang exclusive interview.
Bagamat first time niyang maging hurado sa isang karaoke game show, hindi siya nag-alinlangan sa bagong role. Malaki kasi ang tiwala niya sa Sing Galing, lalo na’t unang naniwala sa kanya bilang singer si Tito Randy. “Siya ‘yung unang nagsabi na ‘Magaling ‘to kumanta.’ Kaya alam kong magiging masaya ito at aalagaan nila ako.”
Isa sa pinaka-importanteng lesson na natutunan niya mula kay Santiago ay ang pagiging chill sa entablado. “Enjoy every moment when you’re singing. ‘Wag masyadong ma-stress, dahil ito ang ginawa mong gawin.”
Bilang Juke Boss ng Sing Galing Season 3, na magsisimula ngayong Marso sa TV5, bibigyan ni Nina ng expert insights at critiques ang mga contestant.
Ano nga ba ang hinahanap niya sa isang mahusay na singer? “Importante sa akin kung paano nila bibigyan ng kahulugan ang kanta. Bonus na ‘yung bumibirit, pero kahit hindi bumirit, dapat naiintindihan at nararamdaman nila ‘yung kinakanta nila.”
Dahil Sing Galing ang topic, natanong din si Nina kung mahilig ba siyang mag-karaoke. Ang sagot niya? “Naku, pag nakuha ko na ang mic, wala nang makakaagaw! Haha! Kahit gusto mong kumanta, kumuha ka na lang ng ibang mic. Sa akin na ‘to, may pangalan ko na ‘to! Haha!”
Concert Mode ON!
Bukod sa Sing Galing, busy rin si Nina sa nalalapit niyang Love Matters concert sa New Frontier Theater sa Peb. 7. Sunod niyang dadalhin ang kanyang musika sa Sydney (Peb. 14), Melbourne (Peb. 16), at Perth (Peb. 21).
Sa kanyang concert, sasamahan siya ng isang 16-piece orchestra—isang first para sa kanya. “It’s going to be pure magic—light and music, no LED,” ani niya.
Pagdating sa musika, malaki ang naging papel nito sa buhay ni Nina. “Music can really be therapy, whether masaya o malungkot ka,” aniya.
Isa sa pinaka-rewarding na pakiramdam para sa kanya ay ang makita ang saya ng audience tuwing siya’y kumakanta. “Ang sarap marinig ‘pag sinasabi nilang, ‘Napapasaya mo ako. Ikaw ang soundtrack ng college life ko.’ Nakaka-inspire ‘yun para ipagpatuloy ko ang passion ko sa musika.”
Mukhang all-out ang 2024 para kay Nina—mula Sing Galing hanggang concert stage, siguradong marami pa siyang pasabog na dapat abangan!
