Umani ng matitinding reaksiyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang biglaang operasyong militar ng Estados Unidos na nagresulta sa pagkakadakip kay Venezuelan President Nicolas Maduro noong Sabado. Maging mga kaalyado at kalaban ng Washington ay nagpahayag ng pagkabahala sa nangyari.
Ayon kay US President Donald Trump, pamumunuan umano ng Estados Unidos ang Venezuela at gagamitin ang malalaking reserba nito ng langis. Ibinahagi rin niya ang larawan ni Maduro na nakaposas at nakapiring sakay ng isang barkong pandigma ng US. Si Maduro at ang kanyang asawa ay inilipad patungong New York, kung saan haharap sila sa mga kasong may kinalaman sa drug trafficking at illegal weapons.
Dinakip ang mag-asawa ng US special forces sa isang pre-dawn operation na sinabayan ng air strikes sa mga target sa paligid ng Caracas, ang kabisera ng Venezuela. Ang insidenteng ito ay agad na nagbunsod ng pagkondena at pangamba sa international community.
Mariing tinuligsa ng China, Russia, at Iran—mga matagal nang kaalyado ni Maduro—ang operasyon, iginiit na ito ay malinaw na paglabag sa international law at soberanya ng Venezuela. Gayundin ang posisyon ng Mexico, Colombia, Brazil, Cuba, Spain, France, Germany, South Africa, at ng United Nations, na nagbabala sa posibleng destabilization ng rehiyon at masamang precedent sa pandaigdigang kaayusan.
Sinabi ng EU na bagama’t kinikilala nitong kulang sa lehitimasyon si Maduro, dapat pa ring igalang ang international law at hindi idinadaan sa puwersa ang solusyon sa krisis. Ilang bansa naman tulad ng North Macedonia, Albania, at Kosovoang hayagang sumuporta sa aksyon ng US.
May iilang bansa ring pumabor sa operasyon, kabilang ang Italy, sa pangunguna ni Prime Minister Giorgia Meloni, at Israel, na nagsabing kumilos ang US bilang “leader of the free world.” Ang Britain ay nagpahiwatig ng pakikipag-usap sa US, habang sinabing hindi nito ikinalulungkot ang pagbagsak ng rehimen ni Maduro.
Para sa Ukraine, mas binigyang-diin nito ang kawalan ng lehitimasyon ng pamahalaan ni Maduro at ang isyu ng human rights, sa halip na ang legalidad ng aksyon ng US.
Sa kabuuan, ang pagkakadakip kay Maduro ay hindi lamang nagbago ng takbo ng pulitika sa Venezuela, kundi nagbukas din ng mas malalim na debate sa buong mundo tungkol sa soberanya, international law, at paggamit ng puwersang militar—isang pangyayaring patuloy na babantayan ng pandaigdigang komunidad.
