Isiniwalat ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ilang mataas na opisyal ng gobyerno ang palihim na nagsusupil para sa China. Ayon sa senador, maihahalintulad ang mga ito kay Alice Guo, ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na nahaharap sa kasong human trafficking sa Pasig court.
“Marami pang Alice Guo. Magugulat kayo pag lumabas ang mga pangalan. Pati career service apektado na,” pahayag ni Tolentino sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Nabatid na una nang sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na si Guo ay kabilang sa sindikato sa likod ng dalawang illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs.
Bukod kay Guo, may mga personalidad pa raw na konektado sa mga Chinese sindikato, kabilang si Rose Nono Lin — isang negosyante na nasangkot noon sa mga isyu kaugnay ng mga POGO, drugs at kurapsyon sa pandemic fund ng gobyerno. Si Lin ay may ugnayan din umano sa dating presidential adviser na si Michael Yang, na isinasangkot sa mga kontrobersyal na transaksiyon sa China at sa paglaganap ng mga Chinese POGO operations sa bansa.
Nang tanungin kung anong mga puwesto ang hawak ng mga umano’y espiya, sinabi ni Tolentino: “Malamang nasa mga sensitibong posisyon sila na puwedeng magamit para sa kanilang interes.” Hindi niya pinangalanan ang mga opisyal pero nilinaw niyang nakapuwesto na sila bago pa man manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.
Posible umanong mga division chief, director, o assistant secretary ang ilan sa mga ito, at tumatanggap sila ng direktang utos mula sa gobyerno ng China.
Sa pagdinig ng Senate Special Maritime Committee noong Huwebes, inilantad din ni Tolentino ang isang kontrata sa pagitan ng Chinese Embassy sa Pilipinas at InfinitUs Marketing Solutions, isang kompanya sa Makati. Layon ng kontratang ito na gamitin ang mga “keyboard warriors” upang pagandahin ang imahe ng China, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.
Nadiskubre rin sa hearing ang operasyon ng mga China-sponsored troll farms na ginagamit para manipulahin ang opinyon ng publiko at makialam sa darating na midterm elections.
Kung muling mahalal bilang senador, nangako si Tolentino na ipaglalaban niya ang regular na pagsusuri sa mga opisyal ng gobyerno upang matukoy ang mga nagtatrabaho para sa dayuhang interes.
PRSP, Kumontra sa Trolls
Naglabas naman ng pahayag ang Public Relations Society of the Philippines (PRSP), kinondena nila ang paggamit ng mga pekeng social media account para magkalat ng disinformation at siraan ang mga sumusuporta sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Isinusulong namin ang komunikasyong may katapatan at integridad. Hindi dapat isakripisyo ang kabutihang panlipunan para lang protektahan ang interes ng kliyente,” ayon sa PRSP.
Tinawag din ng PRSP ang pansin ng InfinitUs Marketing Solutions hinggil sa kanilang code of ethics, na inuutos na laging isaalang-alang ang kapakanan ng publiko.
Dagdag pa ng grupo, hindi nila kinukunsinti ang anumang kilos na nakabase sa panlilinlang. Hinimok nila ang mga awtoridad na imbestigahan ang mga kaso ng misinformation at disinformation.
Matatandaang ang InfinitUs, na itinatag nina Paul Li at Myka Basco noong 2018, ay isang kompanyang nag-aalok ng marketing solutions para sa mga negosyo sa mid-market hanggang sa international clients. Sa kasalukuyan, pansamantalang naka-maintenance ang kanilang website matapos ang pagsisiwalat sa Senado.