Tinuligsa ni Marikina Mayor Marjorie Ann Teodoro ang Department of Health (DOH) matapos nitong isama sa listahan ng mga “hindi gumaganang” super health centers ang pasilidad sa Barangay Concepcion Dos, na ayon sa alkalde ay naantala dahil sa kakulangan ng pondo mula sa DOH.
Ayon kay Teodoro, hindi dapat linlangin ng DOH ang publiko, dahil tanging para lamang sa unang phase ng konstruksyon ang inilabas na pondo. Ang proyekto ay nakatakdang maging apat na palapag, ngunit natapos pa lang ang unang yugto.
“Ito ay hindi matatapos kung kulang ang pondo. Mali ang sabihing kayang tapusin ang buong pasilidad gamit lang ang halagang inilabas ng DOH,” giit ng alkalde.
Dahil hindi pinansin ng DOH ang kanilang hiling na P180 milyon karagdagang pondo, naglaan na mismo ang lokal na pamahalaan ng P200 milyon mula sa sariling pondo para maituloy ang proyekto, ayon kay City Administrator Mark Castro.
Una nang sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na dapat natapos na ang proyekto, na kabilang sa 297 super health centers sa bansa na hanggang ngayon ay hindi pa rin operational.
Ngunit giit ni Mayor Teodoro, hindi dapat sisihin ang Marikina City dahil ang tunay na problema ay ang kulang na alokasyon ng pondo mula sa DOH.