Pirmado na ni Quezon City Mayor Maria Josefina “Joy” Belmonte ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ordinansang may kinalaman sa human immunodeficiency virus (HIV) na ipinasa ng city council.
Ayon kay Belmonte, ang pagpirma sa IRR ay ginawa sa oras ng pag-observe ngayong buwan ng World AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome) Day.
Hinimok niya ang ibang local government units na bigyang-priority ang mga serbisyong may kinalaman sa AIDS at mga programang kaugnay dito.
“Kailangan nating tiyakin na kasama ang mga vulnerable at apektadong komunidad. Ang pagpirma sa IRR ay isang patunay na ang Quezon City ay tumutupad sa pangako nitong tapusin ang AIDS ng 2030. Mula sa pagsasaayos ng aming patakaran, itinakda na namin ang mga konkretong hakbang,” aniya.
Ang HIV ordinance ay isa sa mga inisyatiba ng city government upang labanan ang AIDS.
Kabilang sa mga pangunahing bahagi nito ang pagbuo ng Quezon City AIDS Council, pagtatag ng isang action plan, paglikha ng isang technical working group para bantayan at tiyakin ang implementasyon at pondo ng action plan, at pagpapalakas ng service delivery network para sa mga People Living with HIV (PLHIV) at kanilang mga pamilya.
Ayon kay Councilor Bernard Herrera, chairman ng Committee on Health and Sanitation, ang panahon na upang pagtibayin ang mga hakbang tungo sa pagtatapos ng AIDS sa pagdating ng 2030.
“Wala nang ibang araw o taon kundi ngayon para pirmahan ang Implementing Rules and Regulations ng HIV ordinance. Ito ay upang tiyakin na magkakaroon ng sapat na pangangalaga at suporta, serbisyong batay sa karapatan, sapat na kakayahan para sa aming mga tagapagbigay ng serbisyo, at higit sa lahat, sapat na pondo para ipatupad at mapanatili ang mga inisyatiba upang matapos ang AIDS sa 2030,” pahayag ni Herrera.
Sinabi ni Dr. Anthony Vergara, ang chief health operations officer ng Health Department ng lungsod, na magpapatuloy ang lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng kanilang mga pagsisikap hindi lamang sa larangan ng kalusugan kundi pati na rin sa pagsugpo ng mga aspeto ng karapatang pantao ng HIV at AIDS.
Naniniwala rin ang mga opisyal ng lungsod sa papel ng edukasyon at sektor ng kabataan sa laban kontra AIDS.