Nagmistulang maagang pamasko para sa mga Pilipinong tagahanga nang magbalik sa entablado si Mariah Carey sa SM Mall of Asia Arena noong Martes para sa kanyang “The Celebration of Mimi Tour.” Sa halos 90 minutong pagtatanghal, inawit ng “Queen of Christmas” ang ilan sa kanyang pinakasikat na kanta tulad ng Hero, Emotions, We Belong Together, at Always Be My Baby, na sabay-sabay namang kinanta ng libu-libong fans. Kahit hindi gaanong madaldal o masigla sa kilos, dama pa rin ng lahat ang nostalgia at saya sa bawat himig na bumabalik sa alaala ng kanilang kabataan.
Mula sa mga glamorosong kasuotang kumikislap hanggang sa kanyang signature whistle tones, ipinakita ng 56-anyos na “Songbird Supreme” ang kanyang walang kupas na karisma. Nagpalit siya ng ilang beses ng costume habang inaalayan ang audience ng mga awitin mula sa iba’t ibang yugto ng kanyang karera — kabilang ang Vision of Love, Fantasy, I’m That Chick, at mga hit mula sa album na The Emancipation of Mimi tulad ng Shake It Off at Say Somethin’. Binigyan din niya ng spotlight ang ilan sa kanyang bagong kanta mula sa Here For It All, kabilang ang Play This Song at Sugar Sweet, na ipinakilala niya sa fans sa tulong ng kanyang musical director na si Daniel Moore.

Bago matapos ang gabi, muling umalingawngaw ang diwa ng Pasko nang kantahin ni Mariah ang iconic na All I Want For Christmas Is You. Kasabay ng mga sayaw ng kanyang backup dancers na may suot na Santa hats, makulay na ilaw, at confetti shower, nagsaya ang buong arena sa isang mala-winter wonderland na pagtatapos. Muling pinatunayan ni Mariah Carey na siya pa rin ang reyna ng mga birit at ng Kapaskuhan, anim na taon matapos ang huling pagtatanghal niya sa Maynila noong 2018.