Nagpasiklab si Kimberly Custodio, tatlong-beses na world champion sa jiu-jitsu, sa kaniyang unang Southeast Asian Games appearance matapos dominahin ang women’s 48kg ne-waza at mag-uwi ng unang gold ng Team Philippines sa ikalawang araw ng kumpetisyon sa Bangkok.
Emosyonal si Custodio matapos talunin ang apat na kalaban—kabilang ang dalawang Thai—hanggang sa 3-0 panalo sa finals laban kay Sugun Nutchaya.
“Pagod pero sobra ang saya. Hindi ko in-expect na manalo sa weight class na ‘to. Nagbunga ang hard work at suporta,” aniya.
Sumabay sa pag-arangkada ni Custodio ang tagumpay ni Dean Roxas sa men’s 85kg jiu-jitsu, na mabilis na tinalo si Aacus Hou Yu Ee ng Singapore sa pamamagitan ng submission.
“Parang 2019 ulit. Galing ako sa injury kaya sobrang grateful ako,” sabi niya.
Nag-ambag din ng ginto si Aleah Finnegan sa women’s vault matapos makakuha ng 13.433. Naging tensyonado ang sandali dahil maling score ang una nang ipinakita, ngunit kalaunan ay naitama at kinumpirma ang kaniyang panalo.
“This gold is incredibly special,” ani Finnegan, na dumaan sa personal na hamon bago ang laban.
Kasama ang naunang gold nina Justin Kobe Macario (taekwondo poomsae) at ng swimming relay team nina Sanchez, White, Isleta at Chua, umabot na sa limang gold, pitong silver at 22 bronze ang Pilipinas para sa ika-anim na puwesto sa medal tally.
Sa ibang laban, nagtala si Alexa Pino ng hat-trick sa 6-0 panalo ng Filipinas kontra Malaysia, na nagdala sa team sa semifinals ng women’s football. Sa volleyball, nalaglag ang Alas Pilipinas sa powerhouse Thailand at kailangan talunin ang Singapore para makasungkit ng semis spot.
Sa boxing, walo nang Pinoy ang tiyak na may medalya matapos ang panalo ni Jay Brian Baricuatro, na sumama sa mga semifinalists na sina Nesthy Petecio, Eumir Marcial at iba pa. Target ng ABAP na mas maraming gold sa final rounds.
Habang papainit nang papainit ang aksyon sa SEAG, patuloy na ipinapakita ng mga atletang Pinoy na handa silang makipagsabayan para sa bandera ng Pilipinas.
