Dumami na ang bilang ng mga Pilipinong gustong magpa-repatriate mula Israel at Iran—umabot na ito sa mahigit 100, kung saan 24 ang nagdesisyong umuwi agad matapos ang missile at drone strikes ng Israel sa Iran noong nakaraang linggo.
Ani Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, 85 sa mga ito ay matagal nang naghihintay na makauwi bago pa man magsimula ang labanan. “Araw-araw ay dumadami ang gustong umuwi,” dagdag niya sa isang panayam sa ANC.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na may mga hakbang silang ginagawa para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga sektor na apektado, lalo na ngayong nagpapatuloy ang sagupaan ng Israel at Iran.
Sa briefing, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na mahigpit na binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang sitwasyon. May mandato ang mga oil companies na magkaroon ng 30-araw na supply ng langis.
Kapag tumaas ang presyo ng krudo sa mahigit $80 kada bariles, awtomatikong magbibigay ang gobyerno ng subsidy para sa pampublikong transportasyon at mga mangingisda. Sa kasalukuyan, nasa $73 na ang presyo ng Dubai crude.
May P2.5 bilyong pondo ang Department of Transportation para sa fuel subsidy ng mga tsuper ng jeep, taxi, at delivery riders, habang may P585 milyon naman para sa suporta sa mga magsasaka at mangingisda na posibleng maapektuhan ng taas-presyo ng langis.
Tiniyak din ng DOE na pinag-uusapan nila sa mga oil companies kung paano maipapakalat ang adjustment sa presyo para hindi agad maramdaman ng publiko.
Tulad ng pagtaas ng presyo ng gasolina ng hanggang P1.80 kada litro kamakailan, dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa agrikultura naman, inihanda ng Department of Agriculture ang mga alternatibong pamilihan ng fertilizer, tulad ng Brunei, upang hindi maapektuhan ang mga magsasaka.
Sa kabila nito, nanawagan ang DFA sa lahat na manalangin na manatiling bukas ang mga ruta sa dagat para maiwasan ang mas matagal na krisis.
Tulad ng sabi ng DFA, “Gravely concerned tayo sa tumitinding tensyon sa Middle East dahil sa airstrikes ng Israel sa Iran.”
Samantala, patuloy ang pag-monitor ng gobyerno sa sitwasyon habang ginagawa ang lahat para matiyak ang seguridad ng enerhiya at proteksyon sa mga Pilipinong naapektuhan.