Site icon PULSE PH

Gaza City at Paligid, nasa Panganib ng Malawakang Taggutom!

Ayon sa Integrated Food Security Phase Classification (IPC), opisyal nang nakararanas ng famine ang Gaza City at mga karatig-lugar at maaaring kumalat sa iba pang rehiyon sa susunod na buwan. Tinukoy ng assessment noong August 22 na nasa 514,000 ang taong nakakaranas ng matinding kakulangan sa pagkain, halos isang-kapat ng populasyon ng Gaza, at posibleng tumaas sa 641,000 pagsapit ng katapusan ng Setyembre.
Sa hilagang rehiyon na kinabibilangan ng Gaza City, tinatayang 280,000 tao ang nasa sitwasyong famine na bunga ng halos dalawang taon ng digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas. Ito rin ang unang pagkakataon na naitala ang famine ng IPC sa labas ng Africa. Inaasahang kumalat ang kondisyon sa sentral at timog na bahagi ng Deir al-Balah at Khan Younis sa katapusan ng susunod na buwan.
Tinanggihan naman ng Israel ang ulat at itinuring itong mali at may kiniling. Sinabi ng Israel na nakabatay lamang ang survey sa impormasyong mula sa Hamas at hindi isinasaalang-alang ang kamakailang pagdating ng tulong pagkain. Ayon sa IPC, para matawag na famine ang isang rehiyon, 20 porsyento ng populasyon ay kailangang kulang sa pagkain, isa sa tatlong bata ay malnutrisyon, at dalawang tao sa bawat 10,000 ay namamatay araw-araw dahil sa gutom o sakit.

Exit mobile version