Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na ang pocket tournament sa Doha, Qatar ay “mas nakasama kaysa nakatulong” sa koponan, pero iginiit niyang mas malawak na plano ang kanilang tinitingnan lalo na’t papalapit na ang FIBA Asia Cup.
Matapos ang Doha Invitational Cup, kung saan tinalo ng Gilas ang Qatar pero natalo sa Lebanon at Egypt, nagtapos ang national team sa final window ng FIBA Asia Cup qualifiers na may back-to-back losses kontra Chinese Taipei at New Zealand. Sa kabila nito, 4-2 pa rin ang kanilang win-loss record.
Maliit ang Panahon, Malaki ang Problema
Ayon kay Cone, ikli ng preparasyon ang isa sa pinakamalaking hamon ng Gilas.
“Napakaikli ng mga window, at ang team magkakasama lang nang saglit,” aniya. “Nag-Doha trip kami para makapaglaro at magka-oras pa ng kaunti, pero parang mas nakasama pa iyon kaysa nakatulong sa paghahanda namin kontra Taiwan at New Zealand.”
Ngunit iginiit niyang ang desisyon ay para sa mas malaking plano sa paparating na FIBA Asia Cup sa Agosto, na gaganapin sa Saudi Arabia.
Walang Kai Sotto, Mas Mabigat ang Landas ng Gilas
Bukod sa hirap ng maikling preparasyon, malaking dagok din para sa Gilas ang pagkawala ni Kai Sotto matapos itong mapinsala sa ACL, na inaasahang magpapahinga ng isang taon.
“Patuloy pa rin kaming nag-a-adjust sa laro nang wala si Kai, at ito ang mga bagay na kailangang naming pag-isipan papasok sa FIBA Asia Cup,” dagdag ni Cone.
Sa laban kontra New Zealand, agad na nahulog sa double-digit deficit ang Gilas sa unang quarter at lumobo pa ito sa 28 points sa third frame. Sinubukan nilang bumawi sa dulo pero napigilan ng Tall Blacks ang kanilang rally, 87-70. Dahil dito, nakuha ng New Zealand ang top seed sa Group B.
“We wanted that seeding, pero napunta na iyon sa New Zealand. Mas mahirap ang tatahakin nating landas sa FIBA Asia Cup, at iyon ang nasa isip namin ngayon,” pagtatapos ni Cone.