Naghahanda ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga online at makabagong training platforms para palawakin ang financial education (fin-ed) at palakasin ang proteksyon ng mga consumer.
Inilunsad ng BSP ang unang batch ng BSP-BDO Foundation (BDOF) fin-ed e-learning modules na sumasaklaw sa financial planning, budgeting at saving, at debt management. Ito ay sa Innovative Financial Education Programs na ginanap sa head office ng central bank sa Manila noong Lunes.
Binuksan din ng BSP ang BSP E-Learning Academy (BELA), isang online platform na nagbibigay ng e-learning courses sa personal finance, economics, at central banking. Sinubok na ng ilang piling stakeholders ang BELA, na inaasahang magiging fully accessible sa publiko sa ikalawang quarter ng 2025.
Nagpirmahan din ang BSP ng fin-ed partnership agreements kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Credit Card Association of the Philippines (CCAP), BDOF, at BDO Unibank, Inc.
“Ang aming mga inisyatiba ay idinisenyo para matulungan ang mga tao na maprotektahan ang mga credit cardholders mula sa mga posibleng problema, gawing champions of financial literacy ang mahigit 37,000 empleyado ng DSWD at 3,600 local social welfare officers, at tulungan ang mahigit 10.8 milyong Filipino farmers at fisherfolk sa pamamagitan ng makabagong educational tools,” sabi ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat.
Ang mga modules ay maa-access sa pamamagitan ng BELA at malapit na ring magiging available sa e-learning platforms ng BSP’s institutional fin-ed partners. Dagdag pa rito, may anim pang kurso na ginagawa ng BSP-BDOF na sumasaklaw sa basics of investing, fraud and scams, financial consumer protection, digital financial literacy, Personal Equity Retirement Account, at relevant economic indicators.
Ang memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan ng DSWD at BDOF ay nagpapatibay ng kanilang kooperasyon sa pagdidisenyo at pagpapatupad ng fin-ed program para sa mga empleyado ng DSWD at social welfare officers ng local government units. Ito ay magiging bahagi ng regular training program ng DSWD Academy.