Site icon PULSE PH

36 Binibini, May Mas Malalim na Laban sa Bb. Pilipinas 2025!

Kumabog ang runway sa confidence at ganda ng 36 kandidata ng Binibining Pilipinas 2025 sa kanilang press presentation at preliminary competition sa Novotel Manila, Araneta City! Sa suot nilang swimsuit at evening gown, ipinakita ng mga binibini na hindi lang korona ang pinaglalaban nila — kundi pangarap, determinasyon, at second chances.

Ngayong taon, nakataya ang mga titulo ng Bb. Pilipinas International at Bb. Pilipinas Globe 2025, at gaganapin ang grand coronation night sa Hunyo 15 sa Smart Araneta Coliseum. Sa finals night din iaanunsyo ang mga nanalo sa Swimsuit at Evening Gown competition, pati na ang Face of Binibini.

Kabilang sa mga kalahok sina Jeannette Reyes, Annabelle Mae McDonnell, Andrea Sumadsad, Kimberly Naz, Francesca Abalajon, Katrina Johnson, Anna de Mesa, at marami pang iba mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

May mga balik-Binibini rin ngayong taon. Si Annabelle McDonnell, mula Iligan City at dati nang Miss Charm at MUPh runner-up, ay muling sumabak para tuparin ang kanyang childhood dream na makasali sa Binibini at irepresenta ang hometown niya.

Ganun din si Anna Carres de Mesa ng Batangas, na unang sumali noong 2022. Aniya, “This is the dream, and now I’m living it.”

Si Katrina Johnson ng Davao, first runner-up noong 2023, bumalik din sa laban. “Ayokong mabuhay sa tanong na ‘what if,’” ani niya. “Ito na ang huling taon na puwede pa ako, kaya binigay ko na lahat.”

Nakisaya rin sa event ang P-pop group KAIA, habang sina Bb. Pilipinas International 2024 Myrna Esguerra at Bb. Pilipinas Globe 2024 Jasmin Bungay ang nagsilbing hosts kasama si actor Wize Estabillo.

Nagpakitang-gilas din ang mga hurado mula sa iba’t ibang industriya — mula PR at marketing heads hanggang beauty queens at brand leaders. Isa itong patunay na sa Bb. Pilipinas, hindi lang ganda ang hinahanap — kundi talino, determinasyon, at puso.

Abangan kung sino ang magiging bagong reyna sa Hunyo 15. Isa lang ang sigurado: sa Binibining Pilipinas, bawat lakad, bawat ngiti, at bawat kwento ay laban para sa pangarap.

Exit mobile version