Patuloy sa pagkamada ng panalo ang ZUS Coffee matapos gulatin ang Chery Tiggo, 25-22, 25-22, 23-25, 25-20, kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa PhilSports Arena.
Pinangunahan ni team captain Cloanne Mondonedo ang opensa ng Thunderbelles sa pamamagitan ng 17 excellent sets at tatlong puntos, sapat para makuha nila ang kanilang ikalawang sunod na panalo at pang-apat sa kabuuan (4-4 record).
“Malaking boost ito para sa amin, lalo na sa mga big games na natitira,” sabi ni Mondonedo, ang reigning NCAA MVP at best setter.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang beteranang si Jovelyn Gonzaga, na bumida sa laban na may 20 puntos, kabilang ang game-winning kill sa fourth set na tuluyang nagbaon sa Chery Tiggo.
Halos naipanalo na ng ZUS ang laban sa third set, pero nagkaroon ng misfiring sa kanilang opensa, dahilan para makasingit ang Crossovers at mapwersa ang ikaapat na set. Pero sa dulo, hindi na nagpaawat ang Thunderbelles.
Bagsak sa 5-4 record ang Chery Tiggo matapos ang pagkatalo.