PULSE PH

Zero Fatality sa QC sa Bagong Taon; Fireworks Injuries, Malaki ang Ibinaba!

Walang naitalang nasawi at kapansin-pansing bumaba ang bilang ng fireworks-related injuries sa Quezon City ngayong New Year revelry, ayon sa datos ng lokal na pamahalaan.

Mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 2, 2026, umabot lamang sa 40 kaso ang naiulat na sugatan dahil sa paputok—malayo sa 107 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa bilang na ito, 29 ang tinamaan nang hindi direktang gumagamit ng paputok, habang 11 ang nasugatan dahil sa mismong paghawak ng mga ito.

Karamihan ng insidente ay naganap sa mga kalsada, bagama’t may ilang kaso rin sa loob ng bahay at iba pang lugar.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, itinuturing pa rin ng lungsod na matagumpay ang kampanya laban sa delikadong paggamit ng paputok. “Pinatutunayan nito na kaya nating salubungin ang Bagong Taon nang ligtas at mapayapa,” ani Belmonte.

Bukod sa zero fatality, wala ring naitalang kaso ng pagkalunok ng paputok at stray-bullet injuries.

Simula 2023, ipinatutupad na ng QC ang ordinansang nagre-regulate sa pagbebenta at paggamit ng paputok, kung saan pinapayagan lamang ito sa designated areas at tuwing may espesyal na okasyon tulad ng Bagong Taon.

Bilang alternatibo, nagsagawa ang lungsod ng sabayang New Year countdown events sa Quezon Memorial Circle, Novaliches Park, at Eastwood, upang ligtas na salubungin ang 2026 ng mga QCitizens.

Exit mobile version