Sa ginanap na conference sa Finland na nagmarka ng 50 taon mula nang pirmahan ang “Helsinki Final Act,” nanawagan si Ukrainian President Volodymyr Zelensky na dapat itulak ng mundo ang pagpalit ng rehimen sa Russia. Ayon sa kanya, kung mananatili si Vladimir Putin sa poder, patuloy pa rin nitong sisirain ang kapayapaan sa mga karatig bansa.
Sa kanyang online na talumpati, sinabi ni Zelensky:
“Nagsimula ang Russia ng digmaan, kaya kaya rin nitong tapusin ito. Pero kung hindi papalitan ang rehimen, kahit matapos ang giyera, patuloy silang magdudulot ng kaguluhan.”
Isa pang panawagan ni Zelensky ay ang paggamit ng mga frozen Russian assets laban sa agresyon ng Russia.
“Hindi sapat ang i-freeze lang ang yaman nila. Dapat itong kumpiskahin at gamitin para sa kapayapaan, hindi para sa digmaan.”
Hindi personal dumalo si Zelensky sa Helsinki conference pero nagbigay siya ng mensahe online. Hindi naman nagpadala ng mataas na opisyal ang Russia, ayon sa pahayag ng kanilang foreign ministry.
Ano ang Helsinki Final Act?
Noong Agosto 1, 1975, pinirmahan ng 35 bansa kabilang ang USSR at USA ang kasunduang ito, na naglatag ng mga prinsipyong gaya ng respeto sa soberanya, hindi paggamit ng puwersa, at ang hindi paglabag sa mga hangganan ng bansa.
Ngunit malaking dagok ang dulot ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022, na siyang pinakamalalang krisis sa kasaysayan ng OSCE—ang organisasyong nilikha mula sa Helsinki agreement.
Ani Zelensky, isa sa mga ideya ni Putin na laganap ngayon sa Russia ay:
“Ang hangganan ng Russia ay kung saan nila gustong ilagay.”
Nanawagan ang Kyiv na i-exclude ang Russia sa OSCE, pero hindi ito natuloy. Noong Hulyo 2024, nag-suspend ang Russia ng kanilang partisipasyon sa OSCE parliamentary assembly.
Bilang dagdag, isinara ng Finland ang mahigit 1,300 kilometro nitong border sa Russia noong Disyembre 2023 matapos dumagsa ang mga migranteng walang visa, na sinasabing sinadyang pinadala ng Kremlin—na itinanggi naman ng Russia.