Sa bisperas ng ikatlong anibersaryo ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine, inihayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na handa siyang bumaba sa puwesto kung kapalit nito ang pagsali ng Ukraine sa NATO.
“If may kapayapaan para sa Ukraine at kinakailangan kong umalis, handa ako,” ani Zelensky sa isang press conference sa Kyiv. “Maaari kong ipalit ang posisyon ko para sa NATO.”
Ngunit tila hindi pa rin sigurado ang US-led alliance kung tatanggapin nila ang Ukraine bilang bagong miyembro.
Samantala, nais din ni Zelensky na makipagpulong kay dating US President Donald Trump bago ito makipagkita kay Russian President Vladimir Putin. Matatandaang nagpalitan ng matitinding pahayag ang dalawang lider matapos ang high-level talks sa pagitan ng US at Russia sa Saudi Arabia—isang hakbang na ikinagalit ng Ukraine at Europa dahil naisantabi sila sa diskusyon.
Sa mga nagdaang araw, tinawag ni Trump na “diktador” si Zelensky, maling inakusahan ang Ukraine na siyang nagsimula ng giyera, at pinagdudahan ang popularidad nito sa sariling bansa.
Ngunit imbes na masaktan, sinabi ni Zelensky na handa siyang patunayan ang kanyang suporta sa pamamagitan ng eleksyon—kapag natapos na ang martial law sa Ukraine.
Europa, Nag-aadjust sa Geopolitical Shift
Samantala, patuloy na naghahanda ang mga European leaders sa pabagong-bagong dynamics ng geopolitics.
Nanawagan si German conservative leader Friedrich Merz ng mas pinalakas na depensa para sa Europa matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Trump na tila hindi na prayoridad ng US ang Europe.
Sa Washington, nakatakdang magtungo sina French President Emmanuel Macron at British Prime Minister Keir Starmer upang ipaglaban ang patuloy na suporta para sa Ukraine.
Sa Brussels, inanunsyo ng European Council President Antonio Costa ang isang espesyal na European summit sa Marso 6 upang talakayin ang sitwasyon sa Ukraine.
Moscow: Walang Teritoryong Isusuko
Samantala, tila mas lumalakas ang kumpiyansa ng Kremlin sa posibleng negosasyon sa pagitan nina Trump at Putin. Ayon kay Kremlin spokesperson Dmitry Peskov, nakikita nilang “promising” ang pag-uusap ng dalawang lider.
Ngunit iginiit din ni Peskov na hindi kailanman isusuko ng Russia ang mga teritoryong sinakop nito sa Ukraine.
“No one will ever sell off these territories,” aniya, tinutukoy ang mga Moscow-staged votes sa ilang bahagi ng Ukraine na kinondena ng Kyiv at ng international community bilang peke.
Sa parehong araw, nanawagan naman si UN Secretary-General Antonio Guterres ng isang peace deal na rerespetuhin ang teritoryo ng Ukraine.
Putin: “Gawa ng Diyos” ang Giyera
Sa kanyang sariling pahayag, sinabi ni Putin na ang kanyang “misyon” sa Ukraine ay isang kaloob ng Diyos.
“Fate willed it so, God willed it so,” aniya sa harap ng mga sundalong lumaban sa Ukraine.
Habang nagpapatuloy ang tensyon, iniulat ng Kyiv na nagpakawala ang Russia ng rekord na 267 attack drones sa Ukraine mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga.