Nagbunyag si Rep. Toby Tiangco (Navotas City) sa Senado nitong Lunes, Setyembre 8, na si Rep. Zaldy Co (Ako Bicol) umano ang nasa likod ng P13.8 bilyong budget insertions sa panukalang pambansang badyet para sa 2025.
Ayon kay Tiangco, habang pinamumunuan ni Co ang House appropriations committee, ilang distrito sa bansa ang nakatanggap ng “labis-labis” na pondo, partikular sa mga flood control projects sa Abra, Bukidnon, Sarangani, at Oriental Mindoro.
Dagdag pa niya, may ilang kongresista ang nagsabi na hindi nila alam ang tungkol sa mga dagdag na pondong nakapaloob sa kanilang distrito.
“Sabi nila, ‘hindi amin yan, hindi namin request yan’,” ani Tiangco.
Ibinunyag din ni Tiangco na sa bicameral conference, dalawang party-list — ang Ako Bicol at BHW Party-list — ang biglang lumobo ang pondo mula P100 milyon hanggang mahigit P2 bilyon. Ang mga kinatawan nito ay sina Zaldy Co at ang pamangkin niyang si Angelica Natasha Co.
Samantala, sinabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ilang flood control projects sa kanilang lalawigan ay palpak at overpriced. Isa sa mga proyekto ay gumuho matapos lamang ang isang taon ng pagkakagawa.
Aniya, may proyekto kung saan dapat 12 metro ang lalim ng sheet piles, ngunit tatlong metro lang ang isinagawa ng kontratista. Mayroon ding mga “ghost projects” gaya ng dike sa Brgy. Apitong, Naujan, at flood control structure sa Brgy. Buong Lupa, Gloria.
Ilan sa mga kontratistang sangkot ay ang Sunwest Inc., na umano’y may koneksyon kay Zaldy Co, pati na ang Elite General Contractor and Development Corp. at St. Timothy Construction Corp.