Exciting ang bagong handog ng Puregold Channel — isang makabagbag-damdaming digital series na pinamagatang “Si Sol at si Luna” tampok sina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza. Mapapanood na ang pilot episode “Babae sa Bus” ngayong Sabado, Mayo 31, sa YouTube.
Ayon kay Direk Dolly Dulu, habang sinusulat pa lang niya ang script, si Zaijian na agad ang nasa isip niya para sa role ni Sol. Hindi naman itinago ng aktor ang tuwa niya sa tiwalang ibinigay sa kanya. “Nakakataba ng puso… sabi ko kay direk, game na ako agad,” ani Zaijian.
Ang kwento ay umiikot kay Sol, isang estudyanteng gumagawa ng pelikula tungkol sa pag-ibig — kahit hindi pa niya ito tunay na nararanasan. Sa paghahanap ng inspirasyon, makikilala niya si Luna (Jane), isang misteryosong babae sa bus na may sariling kinikimkim na sakit. Sa pagitan ng dalawang kaluluwang nawawala, matutuklasan nila ang pagmamahal sa gitna ng lungkot at paghahanap.
Ayon kay Ivy Hayagan-Piedad ng Puregold, bagong yugto ito para sa Pinoy digital entertainment. “Cinematic ang quality, pero libre at accessible sa lahat,” aniya.