Magsisimula sa Pebrero 17 ang Year of the Fire Horse 2026, isang taon na ayon kay feng shui expert Patrick Fernandez ay puno ng mabilis na galaw, matitinding desisyon, at mataas na enerhiya. Hindi ito panahon ng pag-aalinlangan—ang Fire Horse ay para sa mga handang manguna, kumilos nang malinaw, at magbitaw ng mga hindi na aligned sa kanilang layunin.
Bilang pagsalubong sa Chinese New Year, inirerekomenda ang mga simpleng ritwal tulad ng pagsusuot ng pula at bagong gamit para sa fresh starts, pagsasalo ng pamilya at pagkain ng tikoy para sa pagkakaisa, paghahanda ng prutas para sa kasaganaan, paglalagay ng bulaklak at barya malapit sa bintana, at pagbibigay ng angpao bilang simbolo ng biyaya. Gayunman, paalala: sipag, disiplina, at maayos na ugnayan pa rin ang pundasyon ng tagumpay.
Sa Fire Horse year, gantimpala ang tapang at inobasyon ngunit mabilis ding bumibigay ang mahina ang plano. Kailangan ang malinaw na intensyon, tamang timing, at disiplina upang hindi maubos ang enerhiya.
Zodiac Forecast Summary:
- Rat: Ayusin ang relasyon at responsibilidad. Iwasan ang risk—kalusugan at seguridad ang unahin.
- Ox: Suporta at tagumpay dadaan sa tamang sistema at istruktura. Tahimik pero matatag ang pag-angat.
- Tiger: Mag-ingat sa salita, kalusugan, at gastos. Disiplina ang panangga sa gulo.
- Rabbit: Suwerte sa pera, trabaho, at relasyon. Integridad ang magbubukas ng pinto ng oportunidad.
- Dragon: May proteksiyon ngunit pabago-bago ang takbo. Pasensya at flexibility ang susi.
- Snake: Pera ay dadaan sa tamang diskarte, hindi shortcut. Alagaan ang kalusugan at emosyon.
- Horse: Tatawagin kang mamuno. Tahimik ang pagyaman, pero iwasan ang banggaan sa awtoridad.
- Goat: Malakas ang suporta ng partnerships. Panahon ng pag-angat at pagiging mas visible.
- Monkey: Paglalakbay at pag-aaral ang magdadala ng suwerte. Iwasan ang labis na pag-iisa.
- Rooster: Relasyon at social life ang lalakas. May tulong na darating sa tamang oras.
- Dog: Gantimpala sa sipag at talento. Magandang taon para sa career at creative output.
- Pig: Unti-unting pagyaman at emotional reset. Bantayan ang maliliit na gastos at leaks.
Sa kabuuan, ang 2026 ay taon ng matapang na pagkilos na may malinaw na direksyon. Sa Fire Horse, hindi sapat ang bilis—ang panalo ay ang marunong tumakbo nang handa at mulat.
