Sa wakas, magkakaroon na ng malaking papel ang mga mutant sa Marvel Cinematic Universe (MCU) sa paparating na pelikulang “Avengers: Doomsday.”
Naglabas ang Marvel Studios ng bagong teaser trailer na nakatuon sa X-Men, kasunod ng naunang teasers para kina Steve Rogers at Thor. Sa loob ng isang minutong video, makikita ang wasak na Xavier School, ang tahanan ng mga batang mutant sa pamumuno ni Professor Charles Xavier na muling ginampanan ni Patrick Stewart.
Maririnig din ang boses ni Magneto, na muling binuhay ni Ian McKellen, habang tinatalakay ang kamatayan at pagkakakilanlan. Sinabayan ito ng mabagal na piano version ng “Avengers” theme, bago lumipat ang eksena kay Scott Summers o Cyclops (James Marsden) na tinatanggal ang visor upang pakawalan ang kanyang optic blasts.
Matagal nang inaabangan ng fans ang opisyal na pagpasok ng X-Men sa MCU, lalo na matapos bilhin ng Disney ang Fox noong 2019. Simula noon, unti-unting ipinakilala ang mga mutant sa iba’t ibang proyekto gaya ng Ms. Marvel, Black Panther: Wakanda Forever, Doctor Strange in the Multiverse of Madness, at The Marvels.
Bukod kina Stewart, McKellen, at Marsden, kumpirmado ring babalik sa pelikula ang ilan pang X-Men stars tulad nina Alan Cumming, Rebecca Romijn, at Channing Tatum. Makakasama rin nila ang maraming kilalang MCU heroes, dahilan para maging isa ang Avengers: Doomsday sa pinakamalaking crossover ng Marvel hanggang ngayon.
