Muling nabuhay ang interes sa klasikong nobela ni Emily Brontë matapos ipalabas ang bagong film adaptation ng Wuthering Heights na pinagbibidahan nina Margot Robbie at Jacob Elordi, na may soundtrack pa mula kay Charli XCX.
Dahil sa pelikula, dagsa ang mga turista sa maliit at makasaysayang nayon ng Haworth sa hilagang-kanlurang England—ang mismong lugar kung saan nanirahan at nagsulat sina Emily at ang kanyang mga kapatid na sina Charlotte Brontë at Anne Brontë.
Dalawang linggo pa lang mula nang ipalabas ang pelikula, punong-puno na ang makikitid na kalsada at batong bahay ng Haworth. Ayon sa mga lokal, tila may bagong henerasyon ng fans na nahuhumaling sa kwento nina Heathcliff at Catherine—ang sentrong karakter ng nobela noong 1847.
Malaki rin ang papel ng malalawak at mabagsik na moors sa kwento at sa pelikula, sa direksyon ni Emerald Fennell. Dahil dito, dagsa rin ang bookings sa mga tour guide sa lugar.
Ang dating tahanan ng magkakapatid—na ngayon ay Brontë Parsonage Museum—ay umabot sa 500 bisita sa isang Sabado pa lang, bilang na karaniwang nakikita lang tuwing peak season.
Ayon sa pamunuan ng museo, marami ang ngayon pa lang unang nagbabasa ng Wuthering Heights dahil sa pelikula. Patunay lang na mahigit 150 taon matapos ang kanilang pagkamatay, buhay na buhay pa rin ang pamana ng mga Brontë.
