Sa linggong ito, medyo nabawasan ang pasanin ng mga motorista matapos ibaba ng lokal na mga kumpanya ng langis ang presyo ng mga produktong petrolyo ng hanggang P0.50 bawat litro simula Martes, ika-12 ng Marso.
Sa magkaibang abiso, sinabi ng mga kumpanyang langis na bumaba ng P0.50 bawat litro ang presyo ng gasolina at P0.25 naman ang diesel. Bumaba din ng P0.30 bawat litro ang presyo ng kerosene.
Nagpatupad ng rollback ang Caltex at CleanFuel ng 12:01 a.m., kasunod ang Shell, Seaoil, Petro Gazz, at Jetti Petroleum ng 6 a.m.
Ayon sa Bureau of Oil Industry Management ng Department of Energy, ang pagbaba ng presyo ngayong linggo ay dulot ng “pabagu-bagong alalahanin sa demand” sa China at Estados Unidos.
