Magsasama sa unang pagkakataon sa malaking layar sina Wilbert Ross at Bea Binene para sa Pinoy adaptation ng tanyag na Thai horror-comedy film na Pee Mak. Ang proyektong ito ay opisyal na inanunsyo sa ginanap na fan meet ng Viva One artists sa New Frontier Theater kamakailan.
Para kay Wilbert, isang malaking sorpresa at tila tadhana ang pagganap sa karakter na pinasikat ni Mario Maurer. Ayon sa aktor, noon pa man ay madalas na siyang tinatawag na Pee Mak o Shone ng kanyang mga kaibigan at fans dahil sa pagkakahawig niya sa Thai superstar. Hindi niya akalain na matapos ang maraming taon ay magkakatotoo ang biro at siya na mismo ang gaganap sa nasabing papel.
Ang tambalang WilBea ay unang minahal ng mga manonood sa kanilang serye na Golden Scenery of Tomorrow kung saan umani sila ng papuri dahil sa kanilang natural na chemistry. Dahil sa tagumpay ng kanilang tambalan, agad itong sinundan ng Viva ng isang big-screen project. Bagama’t wala pang eksaktong petsa ng palabas, inaabangan na ng marami kung paano bibigyang-buhay ng dalawa ang kwento nina Mak at Nak sa bersyong Pilipino.
