Muling pinatotohanan ng World Health Organization (WHO) na hindi nagdudulot ng autism ang bakuna, taliwas sa mga kumakalat na teoryang lalo pang umiinit sa Estados Unidos.
Sa pinakabagong pagsusuri ng Global Advisory Committee on Vaccine Safety, sinuri ang 31 pag-aaral sa loob ng 15 taon mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang mga bakunang may thiomersal at aluminum adjuvants. Konklusyon ng komite:
Walang ebidensya na nag-uugnay sa bakuna at autism.
Ayon kay WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, apat na beses nang nirebyu ang isyu noong 2002, 2004, 2012, at ngayon—at pare-parehong natuklasan: hindi side effect ng bakuna ang autism.
Pinagmulan ng Kontrobersiya
Nagsimula ang maling paniniwala matapos ang isang pekeng pag-aaral noong 1998 na nag-ugnay sa MMR vaccine at autism. Kalaunan itong binawi dahil sa palsipikadong datos, ngunit patuloy ang pagkalat ng maling impormasyon.
Sa US, kinondena ng mga siyentista ang biglaang pagbabago ng wika ng CDC sa kanilang website, na tila nagpapahina sa matagal nang posisyon na ligtas ang bakuna. Pinapalala rin ito ng matagal nang anti-vaccine na pahayag ng US health chief Robert F. Kennedy Jr.
