Idineklara ng World Health Organization (WHO) nitong Miyerkules ang surge ng mpox sa Africa bilang isang global public health emergency, ang pinakamataas na antas ng babala dahil sa lumalalang sitwasyon.
Nabahala ang WHO sa pagtaas ng mga kaso sa Democratic Republic of Congo at pagkalat nito sa kalapit na mga bansa, kaya’t agad itong nagtipon ng mga eksperto upang pag-aralan ang outbreak.
“Ngayon, nagpulong ang emergency committee at inirekomenda sa akin na ang sitwasyon ay itinuturing na isang public health emergency of international concern. Tinanggap ko ang rekomendasyon na iyon,” pahayag ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa isang press conference.
Ang PHEIC ay ang pinakamataas na antas ng babala ayon sa International Health Regulations, na legal na binding sa 196 na bansa.
“Ang pagkakadiskubre at mabilis na pagkalat ng bagong clade ng mpox sa silangang bahagi ng DRC, at ang pagkalat nito sa mga kalapit na bansa na hindi pa dati nakapagtala ng mpox, ay lubhang nakababahala,” ayon kay Tedros.
“Malinaw na kinakailangan ang isang koordinadong internasyonal na tugon upang mapigilan ang mga outbreak na ito at mailigtas ang mga buhay.
“Dapat tayong lahat ay mag-alala rito.”