Matapos ang mahigit tatlong taong usapin dulot ng COVID-19, inaprubahan na ng mga miyembro ng World Health Organization (WHO) ang isang makasaysayang kasunduan para labanan ang mga susunod na pandemya.
Layunin ng Pandemic Agreement na ito na maiwasan ang kalituhan at paghahati-hati na naranasan sa panahon ng COVID-19. Pinaigting nito ang global na koordinasyon, mas maagang surveillance, at patas na access sa mga bakuna at gamot sa hinaharap.
Ani WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, “Mas handa tayo ngayon para sa pandemya kaysa anumang henerasyon sa kasaysayan.”
Bagamat wala na ang Estados Unidos sa usapin dahil sa pag-withdraw noong panahon ni dating Presidente Trump, ipinagmalaki ni Tedros ang pagkakaisa ng mga bansa sa pagtanggap sa kasunduan. Ayon sa kaniya, panalo ito para sa kalusugan, agham, at sama-samang aksyon.
Naging matindi ang mga diskusyon dahil sa tensyon sa pagitan ng mga mayayaman at papaunlad na bansa, lalo na’t ramdam ng mga huli ang kakulangan sa access ng bakuna noong pandemya. Pinuna rin ng ibang bansa na maaaring masyadong manghimasok ang kasunduan sa soberanya ng mga estado.
Isa sa mahahalagang bahagi na kailangang pag-usapan pa ay ang Pathogen Access and Benefit-Sharing (PABS), na nagsasaayos kung paano paghahatian ang access sa mga virus na may potensyal maging pandemya, pati na rin ang benepisyong manggagaling sa mga bakuna at gamot.
Kapag na-finalize na ang PABS, kailangan ng 60 ratipikasyon para maging pormal at epektibo ang kasunduan.
Sa mensahe, sinabi ni Indian Prime Minister Narendra Modi na ang kasunduan ay “isang pangakong magtutulungan tayo para labanan ang mga pandemya habang pinapalaganap ang kalusugan ng mundo.”
Sumang-ayon si EU health commissioner Oliver Varhelyi na ito ay malaking hakbang para sa mas epektibong global na pagtutulungan.
Ngunit may mga kritiko rin, tulad ni US Health Secretary Robert F. Kennedy Jr., na tinawag ang WHO na “moribund” at inirekomenda ang pag-alis ng ibang bansa sa organisasyon, na umano’y naapektuhan ng impluwensya ng China at industriya ng parmasyutiko.
Pinuri naman ni French President Emmanuel Macron ang kasunduan bilang “tagumpay para sa kinabukasan,” na magbibigay proteksyon sa mga tao laban sa pandemya.
Habang nakatuon ang mundo sa paghahanda sa susunod na pandemya, sinabi ni Tedros na mahalagang malaman pa rin kung paano nagsimula ang COVID-19 bilang bahagi ng responsableng agham at moral na obligasyon, bilang pag-alala sa milyun-milyong nasawi.