Pasok sa NBA All-Star reserves sina San Antonio Spurs center Victor Wembanyama at Boston Celtics guard Jaylen Brown! Sila ay dalawa sa 14 na pangalan na inanunsyo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) bilang backup players para sa NBA All-Star Game sa San Francisco sa Pebrero 16.
Pinili ng NBA coaches mula sa bawat conference ang mga reserve players. Sa West, kasama ni Wemby sina Anthony Edwards (Minnesota), Anthony Davis (Lakers), James Harden (Clippers), Jaren Jackson Jr. (Memphis), Jalen Williams (OKC), at kapwa unang beses ding All-Star, si Alperen Sengun (Houston).
Samantala, sa East, kasama ni Brown sina Darius Garland (Cleveland), Damian Lillard (Milwaukee), at Pascal Siakam (Indiana). May tatlong first-time All-Stars din sa East: Cade Cunningham (Detroit), Evan Mobley (Cleveland), at Tyler Herro (Miami).
Si Wembanyama, ang 7’3” French rookie sensation, ay may average na 24.4 puntos, 10.8 rebounds, 3.9 blocks, 3.7 assists, at 1.1 steals per game. Samantalang si Brown naman ay may 23.2 puntos, 6.0 rebounds, at 4.8 assists kada laro para sa reigning NBA champions.
Sa bagong All-Star format ngayong taon, pipiliin ng GMs na sina Charles Barkley, Shaquille O’Neal, at Kenny Smith ang kanilang mga koponan mula sa kabuuang pool ng mga players sa isang draft sa susunod na linggo. Ang kanilang mga roster ay makakalaban ng Rising Stars game winners sa isang mini-tournament sa All-Star Night sa Pebrero 14, kung saan ang bawat laro ay hanggang 40 puntos at may premyong $125,000 bawat player mula sa $1.8 milyon prize pool.