Nagpakitang-gilas ang Ateneo sa 46th Southeast Asian Shooting Association Championships, dinomina ang Air Pistol Metal Silhouette (MS) event sa Marine Corps Training Center, Taguig.
Pinangunahan ni Krizza Reymon, 20, ang kampanya matapos magwagi ng individual gold at team championship kasama sina Adrian Cabrera, 21, at Robert Allan Juan, 19. Ang kanilang total score na 87 ay sapat para talunin ang national team na may 80 points.
Umiskor si Reymon ng 35 out of 40, habang sina Cabrera at Juan ay nag-ambag ng 27 at 25. Nakuha naman ng Ateneo alumni team ang bronze medal.
Bilang nag-iisang UAAP school na may varsity shooting team, ipinagmalaki ni Coach Michael Go ang kanilang tagumpay. Aniya, ang exposure sa regional events tulad ng Luzon Airgun at Calamba Airgun championships ang naging susi sa kanilang panalo.
