Walang naitalang paglabag sa patakaran ng San Juan City sa taunang Wattah! Wattah! Festival kahapon, kung saan nilimitahan ang basaan sa isang designated na lugar sa Pinaglabanan Road.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, noong mga nakaraang taon ay citywide ang basaan kaya mahirap kontrolin. Ngayong taon, pinili nilang gawing sentro ng kasiyahan ang isang lugar lang para masiguro ang kaligtasan at kaayusan.
Hanggang alas-2 ng hapon, wala pang violation na nareport, at umaabot sa 8,000 tao ang dumalo—isa sa pinakamalaking pagdiriwang ng Wattah! Wattah! sa mga nakaraang taon.
Nagkaroon ng maliit na gulo sa loob ng basaan zone pero mabilis itong naresolba ng mga pulis. Sinabi ni Mayor Zamora na hindi daw residente ng San Juan ang mga sangkot.
Nilaman ng basaan zone ang isang kilometro mula N. Domingo hanggang P. Guevarra Streets, at higit 500 pulis ang nagbantay para mapanatili ang kaayusan.
Pinuri ni Mayor Zamora ang disiplina at kooperasyon ng mga taga-San Juan at mga bisita sa tagumpay ng malinis at masayang pagdiriwang.
