Bago sumapit ang deadline, nagsumite si Vice President Sara Duterte ng sagot sa kanyang Senate impeachment trial summons nitong Lunes — at diretsong iginiit na ibinasura na dapat ang kaso laban sa kanya.
Matatandaang na-impeach siya ng Kamara noong Pebrero dahil sa alegasyon ng korapsyon, katiwalian, at umano’y planong pagpapatumba kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na dati niyang kaalyado at running mate.
Sa kanyang sagot na ipinadala sa mga tagausig ng Kamara, sinabi ni Duterte na ang reklamo ay pang-aabuso sa proseso ng impeachment. Wika pa sa dokumento:
“Walang malinaw na mga pahayag ng katotohanan sa reklamo. Kung aalisin ang mga ‘legal’ at ‘factual’ na drama, isa lang itong piraso ng papel.”
Mariin ding itinanggi ni VP Sara ang mga paratang at sinabing hindi na siya kailangang sumagot pa dahil ibinalik na ng Senado ang kaso sa Kamara nitong Hunyo bilang bahagi ng proseso.
Habang mainit ang isyu, kasalukuyang nasa Australia si Duterte upang makipagkita sa mga Filipino supporters.
Ang trial laban sa kanya ay nakatakdang magsimula pa sa Hulyo 28, kapag muling bumalik sa sesyon ang bagong Senado. Sa ngayon, may 5 araw ang House prosecutors para tumugon sa kanyang depensa.
