Umani ng kontrobersiya ang pahayag ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy matapos niyang igiit na may cellphone umano siya habang nakakulong sa isang pasilidad sa Pilipinas. Sa isang livestream noong Enero 23 kasama ang American online personality na si Adin Ross, sinabi ni Zdorovetskiy na tatlong buwan siyang ikinulong sa isolation cell at nakapagpasok ng telepono matapos umanong suhulan ang mga guwardiya.
Ayon sa vlogger, naitala niya ang buong karanasan at balak niyang ilantad ang umano’y korupsiyon sa loob ng kulungan. Ibinahagi rin niya ang sinasabing hindi makataong kondisyon sa isolation, kabilang ang matinding init.
Mariing itinanggi ng Bureau of Immigration (BI) ang mga paratang at tinawag itong “rage-bait” na layong makakuha lamang ng views at atensyon online. Ayon kay Immigration Commissioner Joel Viado, iniimbestigahan na noon pa ang insidente at nagsagawa ng mga raid sa pasilidad, kung saan nasamsam ang mga ilegal na gadget.
Dagdag pa ni Viado, may mga empleyadong napabayaang gampanan ang tungkulin ang tinukoy at tinanggal sa puwesto. Kinumpirma rin ng Malacañang na tatlong BI personnel ang sinibak dahil sa umano’y pagbibigay ng espesyal na trato sa vlogger.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kung mapatutunayang si Zdorovetskiy mismo ang sangkot sa panunuhol, maaari siyang kasuhan at pag-aralan ang posibilidad ng extradition.
Naaresto si Zdorovetskiy noong Abril 3 sa isang hotel sa Pasay City kaugnay ng umano’y pangha-harass sa ilang indibidwal sa Taguig City.
