Isang nakakagulat at makabuluhang sandali para sa Filipino viewers ang hatid ng award-winning medical drama na The Pitt matapos itampok ang Visayan lullaby na “Ili-Ili, Tulog Anay” sa pinakabagong season nito.
Sa ikalawang season na ipinalabas noong Enero 8 sa HBO Max, mas tumingkad ang Filipino presence sa serye na nakasentro sa mga medical professional ng Pittsburgh Trauma Medical Center. Sa ikapitong episode na umere noong Pebrero 19, inawit ni Isa Briones ang Hiligaynon lullaby habang inaalo ang isang inabandunang sanggol.
Ginagampanan ni Briones ang papel ni Dr. Trinity Santos, isang resident doctor na kilala sa matalas na pananalita ngunit nagpakita ng mas mahinahong panig sa naturang eksena. Ayon sa panayam niya sa Vogue Philippines, iminungkahi ng showrunner na si Scott Gemmill na maglagay ng Filipino lullaby sa eksena. Kumonsulta si Briones sa kanyang ama na si Jon Jon Briones, na nagrekomenda ng “Ili-Ili, Tulog Anay,” isang awit tungkol sa pag-aalo ng nakatatandang kapatid o kamag-anak sa sanggol na hiwalay sa ina.
Bukod kay Briones, kabilang din sa Filipino cast sina Amielynn Abellera bilang nurse Perlah at Kristin Villanueva bilang nurse Princess.
Patuloy na umaani ng papuri ang “The Pitt,” kabilang ang pagkilala bilang best drama sa Primetime Emmy Awards at Golden Globe Awards, habang mas pinalalakas nito ang representasyon ng mga Pilipino sa internasyonal na telebisyon.
