Muling nilinaw ni Pasig Mayor Vico Sotto na hindi na siya lalaban sa anumang posisyon sa 2028 elections, kasunod ng kanyang oath-taking sa city hall bilang bahagi ng kanyang ikatlo at huling termino.
“No more politics. Hindi na ako tatakbo sa 2028. Sinasabi ko na ito ngayon,” ani Sotto. Dagdag pa niya, dahil dito, malaya na siyang gawin ang mga paniniwala niyang tama para sa lungsod.
Napanalunan ni Vico ang kanyang posisyon sa isang landslide victory na may 351,392 boto.
Hindi man nagbanggit ng pangalan, tinawag niya ang pansin sa mga kalaban sa politika na dapat bayaran ang kanilang mga hindi nabayarang buwis. “Sila ang dapat managot sa mga krimen. Bayaran nila ang bilyon-bilyong buwis na utang sa national at local government,” wika niya.
Isa sa kanyang kalaban sa halalan ay si Sarah Discaya, isang matagal nang government contractor at may-ari ng St. Gerrard Construction sa Pasig.
Ipinahayag din ni Sotto ang kanyang kahandaan na makipag-ugnayan sa kanyang mga political rivals.
Samantala, sa San Juan, nanumpa si Mayor Francis Zamora, kasama ang pamilya, sa Filoil Center. Nakatuon siya sa pagtatapos ng mga infrastructure at housing projects sa kanyang huling termino.
Sa Valenzuela, nanumpa rin si Mayor Wes Gatchalian sa kanyang ikalawang termino sa Casa de Polo. Pinangunahan ang oath-taking ni Court of Appeals Justice Jaime Fortunato Caringal. Nagpasalamat si Gatchalian sa tiwala ng mga mamamayan at nangakong tututok sa inclusive growth at mas maayos na serbisyo publiko.