Matapos ang viral Comelec issue sa It’s Showtime, sinamantala ni Vice Ganda ang pagkakataon para bigyang-diin ang tunay na trabaho ng Kongreso at Senado—hindi ang pamimigay ng ayuda, kundi ang paggawa ng batas.
Sa isang impromptu quiz bee, tinanong ni Vice at ng kanyang co-hosts ang audience tungkol sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at kasaysayan ng Pilipinas. Kasama rito ang kahulugan ng DPWH (Department of Public Works and Highways) at DILG (Department of the Interior and Local Government), pati na rin ang mga akda ni Dr. Jose Rizal at kasaysayan ng ating watawat.
Isa sa mga tanong na umagaw ng pansin ay tungkol sa tatlong pangunahing sangay ng gobyerno:
Ehekutibo – Nagpapatupad ng batas (Presidente, Gabinete)
Lehislatura – Gumagawa ng batas (Kongreso, Senado)
Hudikatura – Nagpapaliwanag ng batas (Korte Suprema, mas mababang korte)
“Ang trabaho talaga nila ay gumawa ng batas. Kaya dapat ang iboboto natin sa Kongreso at Senado ay ‘yung may alam at may planong gumawa ng batas, hindi lang ‘yung mamimigay ng pera,” diin ni Vice.
Nag-ugat ito sa isang contestant ng “Sexy Babe” segment na inaming wala siyang alam tungkol sa Comelec. Matapos ang viral moment, inimbitahan siya ng ahensya para turuan tungkol sa kanilang tungkulin sa eleksyon.
Umani ng papuri online ang Showtime dahil sa effort nitong magbigay ng dagdag-kaalaman habang nagpapasaya. Marami ang nanawagan na ibalik ang mga educational shows tulad ng Battle of the Brains, SineSkwela, MathTinik, at Bayani sa primetime TV.