Hindi lang bilang komedyante at TV host kundi bilang isa sa pinakamalalaking nagbabayad ng buwis sa bansa, matindi ang dating ng galit ni Vice Ganda sa Trillion Peso March sa EDSA noong Setyembre 21.
Kilala si Vice sa kanyang matatalim na banat, at paulit-ulit siyang kabilang sa listahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng top taxpayers noong 2023 at 2024. Kaya’t nang hamunin niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipakulong ang mga napatunayang nangurakot, at isinusulong pa ang pagbabalik ng death penalty laban sa mga tiwaling opisyal, agad itong sinang-ayunan ng libo-libong raliyista.
Ayon kay Vice, masakit isipin na ang milyong-milyong buwis na pinaghirapan niya ay nauuwi lang sa bulsa ng mga corrupt. Sa isang Instagram post pa noong Agosto, ikinuwento niya ang pagtitipid sa London at bigla raw niyang naalala ang kanyang buwis na “pinaghahati-hatian ng mga garapal na magnanakaw.”
Sa “It’s Showtime” noong Setyembre 15, nagbiro pa siya ng “tax holiday” hangga’t hindi napapanagot ang mga opisyal ng gobyerno.
Kasama ni Vice sa mga top taxpayers ang ilang bigating artista tulad nina Kim Chiu, Darren Espanto, Dingdong Dantes, Julia Barretto, Catriona Gray, at mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Sina Dingdong at Catriona ay dumalo rin sa naturang protesta.
Para kay Vice, malinaw ang punto: kung ang simpleng tao ay nagsusumikap magbayad ng buwis, dapat lang na ang gobyerno ay magsumikap din sa pagiging tapat at patas.