Pormal nang nagsampa ng 19 counts ng cyber libel si veteran actor Vic Sotto laban sa kontrobersyal na director na si Darryl Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court ngayong araw.
Kasama ni Vic ang kanyang misis na si Pauleen Luna at ang legal counsel niyang si Atty. Enrique “Buko” dela Cruz.
“Labing siyam na beses na nagpost ng mapanirang pahayag ang respondent, kaya 19 counts,” paliwanag ni Dela Cruz sa panayam.
“Bawat mapanirang post ay isang kaso,” dagdag pa niya. Para naman sa mga nag-share ng post ni Darryl, hiwalay na reklamo ang isinampa para sa kanila.
“May hiwalay na Writ of Habeas Data na nauna na naming inihain. Hinihintay na lang ang desisyon ng korte kung papabor o hindi,” paliwanag ni Dela Cruz.
“Sa criminal case, si Mr. Darryl Yap lang ang respondent,” diin pa niya.
Ang reklamo ni Vic ay nag-ugat matapos siyang banggitin sa trailer ng paparating na pelikula ni Darryl na “The Rapists of Pepsi Paloma.”