Muling pinatunayan ng University of the Visayas Green Lancers ang kanilang dominasyon matapos talunin ang University of Cebu Webmasters, 85-77, sa deciding game ng best-of-three finals ng CESAFI Season 25 basketball tournament sa Cebu Coliseum.
Nagpakawala ng matinding ratsada ang Green Lancers mula third hanggang fourth quarter para selyuhan ang ika-apat na sunod na kampeonato. Nanguna si Raul Gentallan na may 19 puntos, anim na rebound at dalawang assist, habang nag-ambag si Albert Sacayan ng 13 puntos.
Naghatid din ng solidong laro ang Season MVP na si Kent Ivo Salarda na nagtala ng double-double na 11 puntos at 13 rebound. Nagdagdag pa si Paul John Taliman ng 11 puntos at pitong rebound sa balanseng opensa ng UV.
Sa pamumuno ni coach Gary Cortes, naitala ng Green Lancers ang kanilang ika-pitong titulo sa huling siyam na finals appearance at pinalawig ang kanilang rekord bilang pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng CESAFI, na may kabuuang 17 kampeonato.
