Winakasan ang sumpa? Check! Patumbahin ang walang talong kampyon? Check!
Matikas na ipinakita ng University of the Philippines (UP) ang kanilang tapang matapos pabagsakin ang dating walang talong National University (NU), 26-24, 23-25, 17-25, 25-23, 15-12, sa isang nakakagulantang na laban sa UAAP Season 87 women’s volleyball sa Filoil EcoOil Center.
Si middle blocker Niña Ytang ang naging bida sa panalo ng Fighting Maroons, bumira ng career-high 30 puntos mula sa 27 attacks at tatlong blocks. Hindi lang niya tinapos ang siyam na sunod na talo ng UP kontra NU mula pa noong 2019, kundi siya rin ang unang middle blocker na umabot sa 30 puntos mula nang gawin ito ni Jaja Santiago noong 2017.
Pero hindi lang si Ytang ang umalagwa. Nag-ambag din sina Joan Monares (16 puntos), Irah Jaboneta (13 digs, 19 receptions), Kianne Olango at Bienne Bansil (tig-10 puntos). Si Jaz Manguilimotan naman ang utak ng opensa na may 17 excellent sets, habang si libero Yesha Capistrano ay sumalo ng 11 digs at pitong receptions.
Mula sa 1-2 set deficit, hindi bumitaw ang UP. Sa fifth set, tabla sa 12-12, kumamada ang Maroons ng apat na sunod na puntos para tuluyang ibigay ang NU ang unang talo sa season.
“Speechless ako. Bilog talaga ang bola,” ani Ytang. “Sabi namin nung fifth set, malayo na tayo, bakit pa tayo susuko? Kaya nilaban lang namin!”
Dahil sa panalo, umangat ang UP sa 4-5 record, habang ang NU (8-1) ay natanggalan ng pagiging perpekto—at sigurado, hindi nila ito malilimutan.