Nananawagan ang mga doktor at tagapagtaguyod ng kalusugan sa mga magulang at gobyerno na iligtas ang kabataan mula sa panganib ng electronic cigarettes, dahil parami nang parami ang mga kabataang gumagamit ng vaping products.
Habang ginugunita ng bansa ang World No Tobacco Day ngayon, nagbabala ang Department of Health (DOH) at medical community na ang vape ay hindi lamang nagdudulot ng lung injury sa malulusog na kabataan kundi pati na rin ng heart attack.
Sa isang kaso na dokumentado ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at iba pang mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH) sa Manila na nailathala sa Respirology Case Reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology noong Abril, isang 22-anyos na lalaking Pilipino na walang dating health issues ang nagkaroon ng fatal heart attack matapos magtamo ng malubhang lung injury na posibleng dulot ng kanyang araw-araw na paggamit ng vape.
Ayon sa mga mananaliksik, walang kasaysayan ng pagyoyosi ang pasyente at hindi rin siya umiinom ng alak o gumagamit ng ilegal na droga. Hindi rin siya nagkaroon ng COVID-19.
Ngunit inamin ng 22-anyos na lalaki na siya ay araw-araw na gumagamit ng vape sa loob ng dalawang taon.
Na-admit ang pasyente sa emergency room ng isang ospital noong 2023 dahil sa matinding pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, at nagkaroon ng heart attack sanhi ng mga bara sa dalawang pangunahing arterya.
Nagkaroon din ang pasyente ng seryosong kondisyon sa baga na kilala bilang e-cigarette o vaping-use associated lung injury (Evali).
Sa karagdagang pagsusuri ng mga doktor, nakita ang mga sintomas ng malubhang pneumonia sa baga ngunit walang natukoy na impeksiyon.
Isinagawa ng mga doktor ang isang emergency procedure upang buksan ang nababarang arterya sa puso, ngunit sa kabila ng kanilang pagsisikap, lalong lumala ang kondisyon ng pasyente.
Siya ay nagkaroon ng respiratory failure na nangangailangan ng mechanical ventilation at pumanaw tatlong araw matapos ma-admit sa ospital.
Ito ang unang kaso sa bansa na nag-ugnay ng paggamit ng vape sa pag-develop ng parehong acute lung injury at heart attack, ayon sa mga mananaliksik. Ito rin ang unang dokumentadong kaso ng Evali-related death sa Pilipinas.