Muling pinatunayan ng Pilipinas ang husay nito sa mundo ng pageantry matapos tanghaling Emma Mary Tiglao bilang bagong Miss Grand International 2025 sa Bangkok, Thailand — ang kauna-unahang back-to-back win sa kasaysayan ng kompetisyon.
Matapos ang tagumpay ni Christine Juliane “CJ” Opiaza noong nakaraang taon, sinundan ito ni Emma na pumalit sa kanya sa trono, suot ang eleganteng Rian Fernandez gown at ipinamalas ang apat na katangian ng isang tunay na Grand winner — Beauty, Brains, Business, at Behavior.
Tinalo ni Emma ang 76 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at nakuha rin ang Country’s Power of the Year Award. Ang kanyang karanasan bilang TV personality at journalist ang naging sandata niya sa Question and Answer at speech segment, kung saan tumindig siya para sa kapayapaan sa ilalim ng temang “Stop the War and Violence.”
Aniya sa kanyang makabuluhang pahayag:
“We are not born in fear, but to hope, to love, and to live in peace… Let love be the grandest voice to peace.”
Sa final question tungkol sa mga online scam at human trafficking, mahinahon niyang sagot:
“We must educate people to be aware and strengthen our justice system so scammers will be held accountable.”
Sa huli, itinanghal si Emma Mary Tiglao bilang Miss Grand International 2025, habang Thailand, Spain, Ghana, at Venezuela ang bumuo ng Top 5.
Ang panalo ni Emma ay nagmarka ng ikatlong beses na nagkaroon ng back-to-back win ang Pilipinas sa mga major beauty pageants — matapos ang tagumpay sa Miss Earth (2014 at 2015) nina Jamie Herrell at Angelia Ong.
Sa tulong ng Miss Grand Philippines national director Arnold Vegafria, at sa gabay ng organisasyon, napatunayan ni Emma na hindi lang siya isang beauty queen — kundi isang boses ng kababaihan, kapayapaan, at inspirasyon para sa bawat Pilipino.
“Ito ang panahon ng mga Pilipina,” wika ng mga pageant fans online — at sa panalong ito, tila mas lalo pa itong napatunayan.
